Mga Salawikaing Klasiko sa Makabagong Panahon: Inobatibong bansa

2022-10-23 10:39:57  CMG
Share with:

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), Oktubre 16, 2022, muling binigyang-diin ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang katuturan ng inobasyon.


Aniya, kailangang manangan ang Tsina sa nukleong katayuan ng inobasyon sa konstruksyon ng modernisasyon ng bansa. Upang mapasulong ang paglago ng kabuhayan, kailangang pahalagahan ang pag-unlad ng real economy at palakasin ang siyensiya’t teknolohiya para walang humpay na pasiglahin ang pagkamapanlikha ng bansa.

                                 

Ang isang kasabihang nakaukit sa hugasan ng emperador na si Tang ng Dinastiyang Shang ng Tsina ay ipinamamana ng mga Tsino sa libu-libong taon. Ayon sa kasabihang ito, kung araw-araw buong sikap na binabago ng isang tao at isang bansa ang sarili, maaari siyang walang patid na magtamo ng panibagong pag-unlad.


Ang renobasyon ay nagbabadya ng kasiglahan at kayabongan. Ang inobasyon ay nasa puso ng progreso at lakas-panulak ng isang bansa. Ang pagbabago tungo sa kaunlaran at komong kasaganaan ay nananalaytay sa dugo ng nasyong Tsino. Isa rin sa mga karanasan ng sandaang kasaysayan ng Partido Komunista ng Tsina ang pananangan sa pagbubukas at pagkamapanlikha.

 

 

Nagbukas ang Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina, Oktubre 16, 2022, sa Beijing, Tsina.


Nitong dekadang nakalipas, walang humpay na nagpapasulong ang Tsina ng inobasyong pansiyensiya’t panteknolohiya. Kabilang dito ang manned space program, paggagalugad sa Buwan at Mars, supercomputing, BeiDou Navigation Satellite System, biopharma, at iba pa. Masasabing nahahanay na ang Tsina sa mga bansang inobatibo.  


 


Ang mga taikonaut na sina Liu Boming at Tang Hongbo na nagsasagawa ng extravehicular activities (EVAs) sa labas ng Tianhe, core module ng China Space Station, noong Hulyo 4, 2021. (Photo credit: Xinhua)


Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Ika-20 Pambansang Kongreso ng CPC, Oktubre 16, 2022, inulit ni Panglong Xi Jinping ng Tsina ang kahalagahan ng inobasyon.


Aniya, kailangang mananangan ang bansa sa alituntuning ang siyensiya’t teknolohiya ay ang unang produktibong lakas, ang talento ang unang yaman, at ang inobasyon ang unang lakas-pampasigla. Hinimok ni Xi ang mga Tsino na tupdin ang estratehiya ng pagpapasulong ng kaunlaran sa pamamagitan ng inobasyon, at lumikha ng bagong larangan at pamamaraan ng pag-unlad habang walang patid na isinusulong ang bagong lakas-panulak tungo sa kasaganaan.

 

 


Pakikipagkamay ng SCHUNK SVH 5-finger gripping hand sa isang tao sa unang China International Import Expo (CIIE), na idinaos noong 2018 sa Shanghai, Tsina. Ang CIIE ay naging isa sa mga napakakatanggap-tanggap na plataporma para ipakilala ang pinakahuling bungang inobatibo ng daigdig.

 


Malinaw na makikita sa mga patakaran ng Tsina na, habang nagpapasulong ang bansa ng inobasyon sa paggawa, transportasyon, digital sector, mapayapang paggamit ng kalawakan at iba pa, ibayo pang palalawakin nito ang pandaigdig na pakikipagpalitan at pakikipagtulungan, para makalikha ng bukas at inobatibong mundo.

 

Salin/Patnugot: Jade 

Pulido: Mac