Sa pag-uusap sa telepono nitong Lunes, Oktubre 31, 2022, nagpalitan ng kuru-kuro sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, hinggil sa relasyong Sino-Amerikano sa kasalukuyan at hinaharap.
Saad ni Blinken, pinag-ukulan ng panig Amerikano ng mahigpit na pansin ang Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at ulat sa kongresong ito.
Ipinahayag ni Wang na magpapatuloy at mananatiling matatag ang malalaking patakaran at prinsipyo ng partido at pamahalaan ng Tsina.
Aniya, ang mahalagang impormasyong ipinadala sa nasabing kongreso ay paninindigan ng Tsina ang patakarang diplomatiko ng pagtatanggol sa kapayapaan ng daigdig at pagpapasulong sa komong kaunlaran, at patuloy na magsasagawa ng pundamental na patakaran sa pagbubukas sa labas.
Tinukoy ni Wang na ang pagpapasulong sa pagbalik ng relasyong Sino-Amerikano sa landas ng matatag na pag-unlad ay hindi lamang umaangkop sa komong kapakapan ng dalawang bansa, kundi unibersal na pananabik din ng komunidad ng daigdig.
Dapat aniyang itigil ng panig Amerikano ang mga kilos ng paninikil sa Tsina, at huwag maglagay ng bagong hadlang sa bilateral na relasyon.
Ang bagong limitasyon sa pagluluwas at pamumuhunan sa Tsina na inilabas ng panig Amerikano ay malubhang lumalabag sa alituntunin ng malayang kalakalan, at nakakapinsala sa lehitimong karapatan at kapakanan ng panig Tsino, kaya dapat itong iwasto, dagdag niya.
Inihayag naman ni Blinken na inaasahan ng daigdig ang kooperasyong Amerikano-Sino.
Nakahanda aniya ang kanyang bansa na panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa panig Tsino tungkol sa relasyon ng dalawang bansa sa susunod na yugto, isagawa ang kooperasyon, at talakayin ang pundasyon ng bilateral na relasyon.
Nagpalitan din sila ng kuru-kuro sa mga isyung gaya ng Ukraine.
Salin: Vera
Pulido: Mac