Nobyembre 16, 2022 sa Bali Island – Sa pag-uusap nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joko Widodo ng Indonesya, sumang ayon sila sa pagtatatag ng China-Indonesia community with a shared future.
Ani Xi, patuloy na kakatigan ng Tsina ang pagtatayo ng sentro ng pagyari ng bakuna laban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa Indonesya, at pasusulungin ang magkasanib na pananaliksik sa bakuna.
Nakahanda rin aniya ang Tsina na palawakin ang pag-aangkat ng mga produktong yari ng Indonesya.
Susuportahan ng Tsina ang mga gawain ng Indonesya bilang tagapangulong bansa ng Association of Southeast Nations (ASEAN) sa susunod na taon, dagdag ni Xi.
Ipinahayag naman ni Joko Widodo na sa tulong ng Tsina, nais ng Indonesya na igarantiya ang pagsasaoperasyon ng Jakarta-Bandung High-speed Railway alinsunod sa nakatakdang iskedyul.
Ikinatutuwa rin niya ang kasalukuyang kooperasyon ng dalawang bansa sa pananaliksik at pagpoprodyus ng bakuna ng COVID-19.
Nakahanda ang Indonesya na patuloy na pahigpitin ang kooperasyon sa Tsina sa larangan ng kalusugan at medisina, aniya pa.
Sinabi pa ni Widodo na tutulungan ng Indonesya ang Tsina upang mapalakas ang relasyong pangkaibigan nito sa ASEAN.
Bago ang pag-usap, magkasamang pinanood nina Xi at Widodo ang pelikula hinggil sa subok-operasyon ng nasabing daambakal at mga natamong bunga ng kooperasyon ng dalawang bansa.
Ang Jakarta-Bandung High-speed Railway ay ang unang high-speed railway sa Indonesya.
Matapos ang pag-uusap, nilagdaan ng dalawang bansa ang mga kasunduan ng kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, bokasyonal na edukasyon at gamot, isinapubliko ang magkasanib na pahayag.
Salin: Eernest
Pulido: Rhio