Pangulong Tsino at PM ng Iraq, nagtagpo sa Saudi Arabia: kooperasyon sa maraming larangan, palalakasin

2022-12-09 16:23:06  CMG
Share with:

Sa pagtatagpo ngayong araw, Disyembre 9, 2022 sa Riyadh, Saudi Arabia nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Mohammed Shia al-Sudani ng Iraq, ipinahayag ni Xi ang paghanga sa matatag na pagkatig ng Iraq hinggil sa mga isyung may kinalaman sa nukleong kapakanan ng Tsina.

 

Bilang kapalit, patuloy at matatag ding kakatigan ng Tsina ang pangangalaga ng Iraq sa kabuuan ng pambansang teritoryo, soberanya, at kasarinlan nito.

 

Susuportahan din aniya ng Tsina ang pagpapalakas ng kooperasyon at pagkakaisa sa pagitan ng iba’t-ibang paksyon ng Iraq, at patuloy na tutulong sa rekonstruksyon ng kabuhayan ng bansa.

 

Samantala, umaasa rin siyang patuloy na maigagarantiya ng Iraq ang kaligtasan ng mga tauhan, organisasyon at proyekto ng Tsina sa bansa.

 

Ipinahayag naman ni Al-Sudani na ang Tsina ay matalik na kaibigan ng Iraq, at ang karanasan ng Tsina sa pagpawi ng kahirapan ay karapat-dapat na pag-aralan ng kanyang bansa.

Winewelkam ng Iraq ang patuloy at aktibong paglahok ng Tsina sa konstruksyon ng imprastruktura at enerhiya at pagpapalaki ng pamumuhunan sa mga larangang gaya ng koryente at industriya ng kemikal, dagdag niya.

 

Nakahanda rin aniya ang Iraq na pabutihin ang pagpapalitan at kooperasyon sa Tsina hinggil sa paglaban sa terorismo at pagpawi ng ekstrimismo.