Nagtagpo, Disyembre 8, 2022 sa Riyadh, Saudi Arabia sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Crown Prince at Punong Ministro Mohammed bin Salman Al Saud ng nasabing bansa.
Tinukoy ni Xi na mahalaga sa Tsina ang relasyon sa Saudi Arabia, at kasama ng Saudi Arabia, palalakasin ng Tsina ang mga pragmatikong kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, at pahihigpitin ang ugnaya’t koordinasyon sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Aniya, matatag na kumakatig ang Tsina sa pangangalaga sa soberanya, katatagan at katiwasayan ng Saudi Arabia.
Nakahanda rin aniya ang Tsina na aktibong lumahok sa industriyalisasyon ng Saudi Arabia at tumulong sa pagdi-dibersipika ng pag-unlad ng kabuhayan sa bansa.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan, umaasa si Xi na mapapahigpit ang kooperasyon sa enerhiya, imprastruktura, kalakalan, pamumuhunan, pinansiya, didyital na ekonomiya’t haytek, edukasyon, turismo at pagpapalitang tao-sa-tao.
Sinabi rin niyang suportado ng Tsina ang pagganap ng mas malaking papel ng Saudi Arabia sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, at nakahanda itong palakasin ang pakikipagtulungan sa mga multilateral na platapormag gaya ng United Nations at Group of 20.
Kaugnay naman ng pagdaraos na unang China-Arab States Summit at unang China-Gulf Cooperation Council (GCC) Summit, sinabi ni Xi na mahalaga ang katuturan ng dalawang ito sa pag-unlad ng relasyon ng Tsina at mga bansang Arabe, at relasyon ng Tsina at mga bansang Gulpo.
Nais niyang magsikap ang Tsina at mga bansang Arabe upang gawing milestone sa kasaysayan ang naturang dalawang summit.
Ipinahayag naman ni Prinsipe Heredero Mohammed na mainam at matalik ang relasyon ng Saudi Arabia at Tsina, at nananabik siyang magsikap, kasama ng Tsina, para mapa-angat ang komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa sa bagong antas at pasulungin ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan.
Matatag din aniyang kinakatigan ng Saudi Arabia ang patakarang isang Tsina at tinututulan ang pakikialam ng anumang puwersa sa mga suliraning panloob ng bansa.
Sa tulong ng Tsina, nakahanda ang Saudi Arabia na palawakin ang kalakalan at pamumuhunan sa isa’t-isa, pahigpitin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng paggawa ng kotse, teknolohiya, pagmimina, malinis na enerhiya, at industriyang kemikal, ani Mohammed.
Saad pa niya, winewelkam ng kanyang bansa ang paglahok ng mga kompanyang ng Tsina sa mga proyekto ng enerhiya at imprastruktura ng bansa.
Umaasa rin siyang ibayo pang mapapalawak ang pagtutulungang pangkultura at pagpapalitang tao-sa-tao sa panig Tsino.
Kasama ng Tsina, mithi ng Saudi Arabia na pahigpitin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa ilalim ng balangkas ng mga multilateral na organisasyon, at magkasamang harapin ang mga hamong gaya ng seguridad sa pagkaing-butil at enerhiya, at pagbabago ng klima.
Samantala, sumang-ayon ang dalawang lider sa pagpapataas ng China-Saudi Arabia High-level Joint Committee sa antas ng punong ministro.
Magkasama rin silang dumalo sa seremonya ng pagpapalitan ng dokumentong pangkooperasyon sa mga larangang gaya ng kooperasyon sa Belt and Road, hudisyal, edukasyon, hydrogen energy, pamumuhunan at pabahay.
Dagdag pa riyan, isang magkasanib na pahayag ang isinapubliko ng dalawang bansa.
Sa magkakahiwalay na okasyon, nakipagtagpo rin si Pangulong Xi kina Pangulong Mohamed Ould Cheikh El Ghazouani ng Mauritania, Pangulong Ismail Omar Guelleh ng Djibouti, Amir Emir Tamim Bin Hamad Al Thani ng Qatar, Pangulong Azali Assoumani ng Comoros, at Pangulong Hassan Sheikh Mahmud ng Somalia.