Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon, Disyembre 9 (local time), 2022 sa Riyadh, Saudi Arabia kay Haring Hamad bin Isa Al Khalifa ng Bahrain, inihayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahandaan ng panig Tsino na palakasin ang sinerhiya ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang bansa, aktibong sumali sa mga proyekto ng kaunlarang pangkabuhayan ng Bahrain, at pahigpitin ang kooperasyong medikal at pangkalusugan.
Hinahangaan aniya ng panig Tsino ang ginagawang pagsisikap ng Bahrain para sa pagpapasulong sa relasyon ng Tsina sa mga bansang Arabe at GCC.
Kasama ng Bahrain, nakahanda ang Tsina na pasulungin ang mas malaking pag-unlad ng relasyong Sino-Arabe at Sino-GCC, dagdag niya.
Saad naman ni Haring Hamad, walang hanggahan ang kooperasyon nila ng Tsina.
Matapat na umaasa aniya siyang maisasagawa ang mas maraming kooperasyon sa Tsina sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, imprastruktura, kalusugan at iba pa, at matatamo ang mas maraming bunga.
Sa magkakahiwalay na okasyon, nakipagtagpo rin si Pangulong Xi kina Punong Ministro Najib Mikati ng Lebanon, Punong Ministro Ayman Benabderrahmane ng Algeria, Omani Deputy Prime Minister for the Council of Ministers Sayyid Fahd bin Mahmoud Al Said, at Tagapangulo Rashad Mohammed Al-Alimi ng Presidential Leadership Council ng Yemen.
Salin: Vera
Pulido: Lito