Riyadh, Saudi Arabia – Ginanap Biyernes, Disyembre 9, 2022 ang kauna-unahang China-Gulf Cooperation Council (GCC) Summit.
Ipinasiya sa pulong na itatag at palakasin ang estratehikong partnership ng Tsina at GCC.
Bumigkas ng talumpati sa summit si Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Tinukoy ni Xi na halos 2,000 taon na ang kasaysayan ng mapagkaibigang pagpapalitan ng Tsina at mga bansa ng GCC.
Aniya, sapul nang buuin ang GCC noong 1981, itinatag ng Tsina at GCC ang ugnayan, at nitong nakalipas na mahigit 40 taon, nilikha ng kapuwa panig ang maluningning na kabanata ng pagkakaisa, pagtutulungan at kooperasyong may win-win na resulta.
Diin ni Xi, dapat ipagpatuloy ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at GCC, at gawing pagkakataon ang estratehikong partnership ng kapuwa panig, upang mapasagana ang estratehikong nilalaman ng relasyong Sino-GCC.
Dagdag niya, sa darating na 3 hanggang 5 taon, handa ang Tsina na palakasin ang kooperasyon sa mga bansa ng GCC sa mga larangang kinabibilangan ng enerhiya, pinansya, pamumuhunan, inobasyon, bagong teknolohiya, kalawakan, lengguwahe, kultura at iba pa.
Inihayag naman ng mga lider ng mga bansa ng GCC ang pananalig na ang pagpapalakas ng kooperasyon sa Tsina ay makatulong sa pagbuo ng mas magkatarungan at magkatwirang kaayusang pandaigdig, at magbigay-ambag sa pagpapasulong sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon.
Salin: Vera
Pulido: Lito