Ipinahayag, Lunes, Disyembre 12, 2022 ng Ministring Panlabas ng Tsina na mula Disyembre 11 hanggang 12, nag-usap sa lalawigang Hebei, sa gawing hilagang Tsina sina Xi Feng, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina; Daniel Kritenbrink, Asistanteng Kalihim ng Estado ng Amerika sa mga Suliranin ng Silangang Asya at Pasipiko; at Laura Rosenberger, Senior Director for China ng Pambansang Konseho sa Seguridad ng Amerika.
Sinabi ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng nabanggit na ministri, na malalimang nag-usap ang dalawang panig hinggil sa pagpapatupad ng mga komong palagay na narating ng mga pangulo ng dalawang bansa sa Bali, Indonesya noong isang buwan.
Aniya, tinalakay rin nila ang pagpapasulong ng konsultasyon hinggil sa mga prinsipyong tagapagpatnubay ng relasyong Sino-Amerikano, at maayos na paghawak sa mga pangunahing sensitibong isyu sa bilateral na relasyong gaya ng usapin ng Taiwan, pagpapalakas ng pagpapalitan sa iba’t-ibang antas, at kooperasyon sa iba pang larangan.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang magkabilang panig sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan, at sumang-ayon sila sa pagkakaroon ng matapat, malalim, at konstruktibong pag-uusap, at pagpapanatili ng linya ng komunikasyon, dagdag ni Wang.
Ayon naman sa press release ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, ang pagbisita ng nasabing dalawang opisyal sa Tsina ay magbibigay-daan sa gaganaping pagdalaw sa bansa ni Antony Blinken Kahilim ng Estado ng Amerika sa susunod na taon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio