Mensaheng pambati, ipinadala sa isa’t-isa ng pangulong Tsino at Gobernador-Heneral ng New Zealand

2022-12-23 14:26:24  CMG
Share with:

Ipinadala sa isa’t-isa, Huwebes, Disyembre 22, 2022 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Gobernador-Heneral Cindy Kiro ng New Zealand ang mensaheng pambati kaugnay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.

 

Ani Xi, mahalagang magka-partner ang Tsina at New Zealand, at sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, nananatili itong malusog at matatag.

 

Sinabi pa niyang ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t-ibang larangan ay nagdulot ng benepisyo sa mga mamamayan ng Tsina’t New Zealand, at nagbigay ng mahalagang ambag sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon.

 

Kasama ni Kiro, nakahandang magsikap si Xi para mapalakas ang estratehikong pag-uugnayan, pasulungin ang progreso ng bilateral na relasyon, at maghataid ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.

 

Ipinahayag naman ni Kiro na malaking progreso ang natamo ng relasyon ng dalawang bansa, sapul nang ito’y maitatag.

 

Pinahahalagahan aniya ng kanyang bansa ang mahabang kasaysayan ng pagpapalagayan sa pagitan ng dalawang panig, at umaasa siyang patuloy na susulong ang kooperasyon para makinabang ang kanilang mga mamamayan at buong daigdig.

 

Maliban diyan, nagpalitan din ng mensaheng pambati nang araw ring iyon sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Jacinda Ardern ng New Zealand.