Sa kabila ng epekto ng pandemiya ng COVID-19, patuloy ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas. At katuwang ng bansa, ang rehiyon ng Asya.
Ito’y ipinahayag ni Kalihim Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isang virtual event kamakailan na naglalayong ibahagi ang estratehiya at mga programa ng pamahalaan para itaguyod ang post-pandemic recovery ng bansa.
Ayon sa datos mula Enero hanggang Setyembre 2021, nagtala ang Pilipinas ng US$140.55 billion sa total merchandise trade, mas mataas ng 25.1% mula sa US$112.34 billion noong katulad na panahon ng nagdaang taon.
Pagdating sa pagluluwas o exports, 18.0% ang itinaas na katumbas ng US$55.68 billion mula sa US$47.19 billion noong 2020. Samantala ang imports o pag-aangkat, mula sa US$65.15 billion noong 2020, ay umabot sa US$84.87 billion mula una hanggang ikatlong kuwarter ng 2021 na may 30.3% pagtaas.
Saklaw ng mga bansa sa Asya ang 67.3% ng kabuuang exports ng Pilipinas sa buong mundo na nagkakahalaga ng US$37.5 billion. Ganoon din ang resulta sa imports, tumaas din ang share ng mga Asian partners at umabot sa 79% na may kabuuang halagang US$67 billion.
Ani Kalihim Lopez, ang mga kapitbansang Asyano ay tunay na gumanap ng malaking papel sa pagharap ng Pilipinas sa epekto ng pandemya.
Ibinahagi rin niya ang top 5 na Asian trading partners batay sa merchandise trade na kinabibilangan ng Tsina (US$29 billion), Hapon (US$16.14 billion), Hong Kong ng Tsina (US$9.82 billion), Singapore (US$8.19 billion) at Thailand (US$7.63 billion) na nagtala ng kabuuang US$70.8 billion na trade value. Ang halagang ito ani Lopez ay kalahati ng buong external trade in goods ng bansa sa loob ng unang tatlong semestre ng 2021.
Maganda rin ang resulta ng Foreign Direct Investments (FDIs) na may 39.7% na pagtaas mula sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa Enero hanggang Agosto 2021. At ayon sa Board of Investments umabot sa US$20.55 billion ang aprubadong pamumuhunan noong isang taon.
Sa panahon ng pandemiya ipinatupad ng Pilipinas ang mga patakaran ng pagpapadali at pagpapabilis sa daloy ng kalakalan. Kabilang dito ang mga estratehiya para lumikha ng mas maraming pamumuhunan, trabaho at kita sa mga sector na sumusuporta sa paglago ng ekonomiya. Nariyan din ang mga batas na nagtataguyod ng magandang business climate ng Pilipinas at inaasahang ang mga insentibong pang-negosyo ay aakit ng mas maraming pamumuhunan.
Bilang pagtatapos, sinabi ni Kalihim Lopez na dinanas ng Pilipinas noong 2020 ang pinakamalaking pagbaba ng ekonomiya sa kasaysayan. Ngunit, makikita ang malinaw na pag-ahon ng bansa na pinatutunayan ng naging bunga ng economic and investment performance nito bago pa man magtapos ang 2021.
Tiniyak din ni Kalihim Lopez, sa kabila ng nalalapit na halalan, na maghuhudyat ng pagbabago ng administrasyon, mananatili ang DTI bilang pillar o sandigang magbibigay ng tulong sa paglago ng mga negosyo at pamumuhunan lalo na sa panahon ng new normal.
Ulat: Machelle Ramos
Patnugot sa nilalaman: Jade/Mac
Patnugot sa website: Jade