Sa video speech na ipinadala nitong Lunes, Enero 17, 2022 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa Manila Forum for China-Philippines Relations, ipinagdiinan niya na sa kasalukuyang taon, papasok ang Tsina sa “Winter Olympics Time,” at gaganapin ang Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Samantala, gaganapin din sa Pilipinas ang mahalagang kaganapang pulitikal. Sa bagong simulang pangkasaysayan, dapat buong tibay na alalahanin ng kapwa panig ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan, at igiit ang tumpak na direksyon ng pagkakaibigang Sino-Pilipino upang mawala ang mga negatibong epekto, mapalalim ang kooperasyon, at magkasamang makalikha ng mas magandang kinabukasan ng relasyong Sino-Pilipino.
Sinabi ni Wang na may mahigit isang libong taon ang mapagkaibigang relasyong Sino-Pilipino. Dinala ng Tsina sa Pilipinas ang kooperasyon at pagkakaibigan, sa halip ng pananakop at digmaan.
Aniya, sapul ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, ginawa niya ang estratehikong pagpili sa pagpapabuti ng relasyon sa Tsina, bagay na nagpapabuti sa relasyon ng kapwa bansa. Ngayo’y napapatunayan ng katotohanan na ang desisyong ito ay ganap na angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa, at sa tunguhin ng kapayapaan at kaunlarang panrehiyon, dagdag ni Wang.
Nananalig siyang tiyak na igigiit ng mga personaheng may pangmalayuang pananaw ng dalawang bansa ang nasabing tumpak na direksyon at lilikha ng mas maraming maluningning na kabanata sa pagkakaibigang Sino-Pilipino, diin pa ni Wang.
Kaugnay ng pagpapalakas ng pagkakaisa at pagtutulungang Sino-Pilipino, iniharap ni Wang ang 4 na mungkahing kinabibilangan ng una, dapat magkasamang magsikap upang ganap na mapagtagumpayan ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19); ikalawa, dapat magkasamang magsikap para mapabilis ang pag-unlad; ikatlo, dapat magkasamang magsikap upang maayos na mahawakan ang isyu ng South China Sea; ikaapat, dapat magkasamang magsikap para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagang panrehiyon.
Ang Manila Forum for China-Philippines Relations ay magkasamang itinaguyod ng Embahadang Tsino sa Pilipinas at Association for Philippines-China Understanding (APCU).
Salin: Lito
Pulido: Mac