Muling binatikos nitong Martes, Enero 18, 2022 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina ang umano’y “China Initiative” na inilunsad ng Kagawaran ng Katarungan ng Amerika.
Umaasa aniya siyang iwawasto sa lalong madaling panahon ng panig Amerikano ang maling aksyon, huwag ituturing na haka-hakang kaaway ang Tsina, ititigil ang paglikha ng mga walang batayang katwiran para bahiran at sikilin ang Tsina, at hindi hahadlangan at sisirain ang normal na pagpapalitan at pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangan ng siyensiya’t teknolohiya at people-to-people exchanges.
Inulit ni Zhao na laging naninindigan ang pamahalaang Tsino na ang pagpapalitan at pagtutulungan ng mga kaukulang talento ay dapat nababatay sa pagsunod sa mga batas, paggigiit sa siyentipikong integridad, at pagkakaroon ng propesyonal na moralidad. Aniya, walang pagkakaiba sa esensya ang kaukulang patakaran at hakbangin ng Tsina sa komong praktika ng ibang bansa.
Ayon sa ulat, binabalak ng piskal ng Amerika na iurong ang kaso kay Chen Gang, may dugong Tsinong propesor ng Massachusetts Institute of Technology (MIT).
Noong nagdaang taon, pinawalang sala ng korte ang mga akusasyon sa di-kukulangin sa walong akusado na may kinalaman sa “China Initiative.”
Salin: Vera
Pulido: Mac