Kasabay ng pagtatapos ng Beijing 2022 Winter Olympics, muling tinanggap Linggo, Pebrero 20, 2022 ni Thomas Bach, Presidente ng International Olympic Committee (IOC) ang panayam ng China Media Group (CMG).
Sinabi ni Bach na sa pamamagitan ng Beijing 2022 Winter Olympics, lilitaw ang napakalaking pagbabago sa mga palaro sa Taglamig. Ito aniya ay pamanang iniwan ng nasabing Olimpiyada ng Taglamig.
Kaugnay ng mga atleta sa nasabing Olimpiyad ng Taglamig, sinabi ni Bach na sila ay tunay na nagpakita ng kanilang diwa. Nakikita aniya ng buong daigdig ang pagkakaibigan, pag-uunawaan at kapayapaan mula sa diwa ng mga atleta.
Ipinakikita rin aniya ng mga ito na nakakadaig ang Olimpiyada sa anumang hidwaang pulitikal, ani Bach.
Bukod pa riyan, binigyan muli ng lubos na papuri ni Bach ang ibinibigay na ambag ng CMG sa Beijing 2022 Winter Olympics.
Sinabi niya na bunga ng pagsisikap ng CMG, nasindihan ang kasiglahan ng mas maraming mamamayang Tsino sa Olimpiyada ng Taglamig.
Sa aspektong ito, lubos na hinahangaan ng IOC ang natamong tagumpay ng CMG, diin pa ng IOC President.
Salin: Lito