Bilang pasasalamat at pagbati sa Tsina sa matagumpay na pagtataguyod ng Beijing 2022 Winter Olympics, apat na beses na nagsalita sa wikang Tsino si Thomas Bach, Presidente ng International Olympic Committee (IOC), sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagpipinid ng nasabing Olimpiyada, Pebrero 20, 2022.
Ang unang beses niyang pagsasalita ng wikang Tsino ay sa unang pangungusap din ng talumpati.
Aniya, "Xiexie, Zhongguo" o "Salamat, Tsina!"
Sa ikalawang beses, hinangaan ni Bach ang Beijing Winter Olympics na isang palarong idinaos sa napakahusay at ligtas na paraan, at binigyan niya ng mataas na pagtasa ang mga Olympic Village, mga venue, mga gawain ng Komiteng Tagapag-organisa, at pagsuporta mula sa mga mamamayang Tsino.
Pagkatapos nito, sinabi niyang "Xiexie nimen, Zhongguo pengyou" o "Salamat sa inyo, mga kaibigang Tsino."
Sa ikatlong beses, pinasalamatan ni Bach ang mga boluntaryo ng Beijing Winter Olympics. Aniya, “Pinainit ninyo ang aming mga puso sa pamamagitan ng inyong mga nakangiting mata. Ang inyong kabaitan ay mananatili sa amin magpakailanman.”
Dagdag ni Bach sa wikang Tsino, "Zhiyuanzhe, Xiexie nimen" o "Mga boluntaryo, salamat sa inyo."
Sa huling beses, tinukoy ni Bach, na ang kagilas-gilas na Beijing Winter Olympics ay nag-iwan ng mga mahalagang pamana, na gaya ng paglahok ng mahigit 300 milyong Tsino sa winter sports, at malaking tagumpay ng mga atletang Tsino, at dahil dito, ang Tsina ay naging isang "winter sport country."
Sinabi niyang, "Zhuhe Zhongguo" o "Maligayang pagbati sa Tsina."
Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan