Ayon sa ulat na inilabas kamakailan ng Asian Development Bank, sa kabila ng hadlang sa kalakalang pandaigdig na dulot ng limitadong pagbibiyahe ng mga tao at pagtigil ng supply chain sa panahon ng pandemiya ng COVID-19, noong unang tatlong kuwarter ng taong 2021, ang kabuuang bolyum ng kalakalan sa rehiyong Asya-Pasipiko ay lumaki ng 29.6% kumpara sa taong 2020.
Ayon pa rin sa ulat, 58.5% ng kabuuang kalakalan ng mga ekonomiya ng Asya-Pasipiko noong 2020 ay nasa loob ng rehiyong ito, at ang proporsyong ito ay pinakamataas sapul noong 1990.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Gao Feng, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na sapul nang sumiklab ang pandemiya ng COVID-19, ipinakikita ang matibay na puwersa at malaking nakatagong-lakas sa pag-unlad ng rehiyong Asya-Pasipiko at ang rehiyong ito ay naging pangunahing puwersa sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Sinabi ni Gao na mayroong sariling bentahe at puwersang panloob ang rehiyong Asya-Pasipiko sa pagpapahigpit ng kooperasyong pangkalakalan sa loob ng rehiyong ito.
Sinabi pa niyang kasunod ng mas mabilis na pagdaloy ng pondo, teknolohiya at lakas-manggagawa na dulot ng pag-unlad ng globalisasyon ng kabuhayan, ang Asya-Pasipiko ay nagiging rehiyon sa buong daigdig na may pinakamalakas na kasiglahan at pinakamalaking nakatagong-lakas ng pag-unlad ng kabuhayan.