Isang virtual summit ang idinaos Martes ng Hapon, Marso 8, 2022 sa Beijing sa pagitan nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya at Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya.
Tinukoy ni Pangulong Xi na maraming komong pagkaka-unawaan ang Tsina at Unyong Europeo (EU) hinggil sa pagpapasulong ng kapayapaan, kaunlaran at kooperasyon.
Ang pag-unlad aniya ng Tsina ay magdudulot ng mas malaking espasyo para sa kooperasyon ng Tsina at EU.
Kaya batay sa prinsipyo ng mutuwal na kapakinabangan, inaasahan niyang patuloy pang mapapapalim ang mga aktuwal na kooperasyon ng dalawang panig sa berdeng ekonomiya, didyital na partnership, at iba pa.
Dagdag ni Xi, dapat patuloy na igiit ng dalawang panig ang multilateralismo sa mga pangunahing adiyendang pandaigdig.
Samantala, ipinahayag naman nina Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya at Chancellor Olaf Scholz ng Alemanya ang pagbati sa matagumpay na pagtataguyod ng Tsina sa Beijing Winter Olympic Games.
Anila, pinahahalagahan ng EU ang mahalaga at positibong papel ng Tsina sa mga usaping pandaigdig.
Kasama ng Tsina, nakahanda anila ang EU na pahigpitin ang mga kooperasyon tungo sa paglutas sa mga pandaigdigang hamon na gaya ng pagbabago ng klima at pampublikong kalusugan.
Ipinahayag pa ng dalawang lider Europeo ang malakas na pagnanais upang lalo pang patibayin ang pakikipag-ugnayan ng kani-kanilang bansa sa Tsina.
Natalakay rin sa nasabing summit, ang kasalukuyang kalagayan ng Ukraine.
Ipinahyag nina Macron at Scholz na kinakaharap ng Europa ang pinakamalubhang krisis sapul nang World War II at kinakatigan ng Pransya at Alemanya ang paglutas sa isyu ng Ukraine sa pamamagitan ng talastasan.
Nakahanda anila silang pahigpitin ang pakikipagkoordinasyon at pakikipag-ugnayan sa Tsina para pasulungin ang talastasang pangkapayapaan, at iwasan ang paglala ng kalagayan ng Ukraine upang hindi maganap ang mas malubhang makataong krisis.
Hinggil dito, ipinahayag ni Xi na ikinalulungkot niya ang sagupaan sa Ukraine.
Binigyang-diin niyang ang kasalukuyang pangunahing gawain ay pag-iwas sa ibayo pang paglala ng tensyon.
Hinahangaan aniya ng panig Tsino ang pagsisikap ng Pransya at Alemanya sa medyasyon sa Ukraine, at nakahanda aniya ang Tsina na panatilihin ang pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan sa EU, Pranysa at Alemanya para rito.
Ani Xi, dapat makasamang suportahan ng Tsina, EU, Pransya at Alemanya ang talastasang pangkapayapaan ng Rusya at Ukraine.
Sinabi pa niyang dapat manawagan sa iba’t-ibang may kinalamang panig na panatilihin ang pagtitimpi para iwasan ang malaking makataong krisis.
Nagpalitan din ng pananaw ang mga lider hinggil sa isyung nuklear ng Iran.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio