Kaugnay ng sangsyon ng Amerika at Unyong Europeo (EU) sa enerhiya ng Rusya, ipinahayag Miyerkules, Marso 9, 2022 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlas ng Tsina, na matatag na tinututulan ng panig Tsino ang anumang bilateral na sangsyon na di-nakabatay sa batas pandaigdig.
Sinabi niyang ang naturang sangsyon ay magdudulot lamang ng lose-lose situation at ibayo pang magpapasidhi ng komprontasyon at pagkakawatak-watak.
Ayon sa ulat, ipinatalastas ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika ang pagtigil sa pag-aangkat ng mga produktong petrolyo, langis at ibang katulad na produkto ng Rusya. Kaugnay nito, ipinatalastas din ng European Commission ang pagbabawas ng dalawa’t katlo bahagi sa bolyum ng langis na aangkatin mula sa Rusya. Dagdag pa riyan, ipinahayag ng Britanya na unti-unti nitong ititigil ang pag-aangkat ng mga produktong petrolyo ng Rusya bago ang katapusan ng taong 2022.
Hinggil dito, sinabi ni Zhao na patuloy na isasagawa ng Tsina at Rusya ang normal na kooperasyong pangkalakalan na kinabibilangan ng pag-aangkat ng mga produktong petrolyo at langis batay sa prinsipyo ng paggalang sa isa’t-isa, pagkakapantay-pantay at mutuwal na kapakinabangan.
Kaugnay ng babala ng tagapagsalita ng White House na isasagawa ng Amerika ang hakbangin ng pagganti sa Tsina kung hindi nito isasagawa ang mga sangsyon sa Rusya, tinukoy ni Zhao na ang sangsyon ay hindi pundamental at mabisang paraan sa paglutas ng mga isyu.
Tinututulan aniya ng Tsina ang anumang bilateral na sangsyon at “long arm jurisdiction” ng Amerika.
Sinabi ni Zhao na ang pakikitungo ng Amerika sa isyu ng Ukraine at relasyon sa Rusya ay hindi dapat makapinsala sa karapatan at kapakanan ng Tsina.
Aniya, gagamitin ng panig Tsino ang lahat ng mga kinakailangang hakbangin para mapangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga bahay-kalakal ng Tsina at mamamayang Tsino.
Salin:Ernest
Pulido: Rhio