Ban sa inihahatid na langis ng Rusya, tinatalakay ng Amerika: seguridad ng instalasyong nuklear ng Ukraine, pinag-usapan ng mga pangulo ng Rusya at Pransya

2022-03-07 15:49:22  CMG
Share with:

Sinabi Linggo, Marso 6, 2022 ni Anthony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, na tinatalakay ni Pangulong Joe Biden at iba’t-ibang departamento ng bansa ang hinggil sa pagpapataw ng ban sa inihahatid na langis ng Rusya.
 

Saad ni Blinken, nakatakdang magkaroon ng nagkakaisang palagay ang Amerika at mga kaalyansa at partner sa Europa, kaugnay ng garantiyang hindi maa-apektuhan ang normal na suplay ng pandaigdigang merkado ng langis dahil sa nasabing hakbang.
 

Dagdag niya, kakatigan ng kanyang bansa ang pagkakaloob ng eroplanong pandigma ng Poland sa Ukraine.
 

Bibigyang-saklolo rin aniya ng Amerika ang Poland, kung sakaling kakailanganin.
 

Samantala, nag-usap sa telepono nang araw ring iyon sina Pangulong Vladimir Putin ng Rusya at Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya, hinggil sa mga isyung gaya ng ligtas na pagtakbo ng instalasyong nuklear ng Ukraine at iba pa.
 

Diin ni Putin, ayon sa International Atomic Energy Agency (IAEA), normal sa kasalukuyan ang radiation level ng Zaporizhzhia nuclear power plant.
 

Ayon naman sa komunike ng Elysee, Palasyong Pampanguluhan ng Pransya, ipinanawagan ni Macron kay Putin na igarantiya ang seguridad ng instalasyong nuklear para sa pansibilyang gamit ng Ukraine.
 

Salin: Vera
 

Pulido: Rhio

Please select the login method