Nag-usap sa telepono nitong Lunes, Marso 14, 2022 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Retno Marsudi, Ministrong Panlabas ng Indonesia.
Saad ni Wang, bilang mahalagang umuunlad na bansa at bagong ekonomiya, dapat palalimin ng Tsina at Indonesia ang estratehikong pagtitiwalaan at pragmatikong kooperasyon, sa ilalim ng pamumuno ng mga lider ng dalawang bansa, at patingkarin ang positibong papel para sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at mundo.
Sinabi naman ni Retno na lubos na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang pagpapaunlad ng relasyon sa Tsina, at nakahandang pasulungin, kasama ng panig Tsino ang bilateral na relasyon sa bagong antas.
Nagpalitan din ang kapuwa panig ng kuru-kuro hinggil sa kalagayan ng Ukraine.
Inihayag ni Wang ang kahandaan ng panig Tsino na patuloy na magpunyagi upang pasulungin ang talastasang pangkapayapaan.
Nanawagan naman si Retno na ihinto sa lalong madaling panahon ang digmaan, hikayatin ang diyalogo, at pigilan ang paglitaw ng makataong krisis.
Diin ni Wang, buong tatag na kinakatigan ng panig Tsino ang katayuan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang sentro ng kooperasyong panrehiyon, at sinusuportahan ang pagpapalakas ng estruktura ng kooperasyong panrehiyon na ang sentro ay ASEAN.
Salin: Vera
Pulido: Mac