Sinabi Linggo, Marso 20, 2022 ni Ministrong Panlabas Mevlut Cavusoglu ng Turkey na nakamit sa pag-uusap ng Rusya at Ukraine ang progreso sa mga “kritikal” na punto ng kasunduan sa tigil-putukan.
Pero, binigyan-diin niyang kailangan pa rin ang desisyon ng mga lider ng dalawang bansa sa ilang isyu.
Samantala, inihayag nang araw ring iyon ng panig Ruso na bubuksan ang makataong koridor mula sa Mariupol ng Ukraine, para sa maayos na pag-urong ng mga sibilyan at paghahatid ng makataong materyal.
Sa kanya namang panayam sa Cable News Network (CNN) ng Amerika nitong Linggo, inihayag ni Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine ang kahandaang makipagtalastasan kay Pangulong Vladimir Putin ng Rusya.
Ipinagdiinan niyang sa isyung may kinalaman sa kabuuan ng teritoryo at soberanya, imposible ang kompromiso.
Bukod pa riyan, sinabi kahapon ni Maksim Reshetnikov, Ministro ng Ekonomikong Pag-unlad ng Rusya, na malaki ang kakayahan ng bansa upang maibangon ang kabuhayan nito, kaya may pag-asang lalago pa rin ang ekonomiya ng Rusya sa kabila ng mga sangsyon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio