Pormal na binuksan sa publiko nitong Lunes, Marso 21, 2022 ang Cambodia-China Friendship Preah Kossamak Hospital na itinayo sa tulong ng Tsina.
Sa seremonya ng pagpapasinaya ng naturang ospital, pinasalamatan ni Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya ang ibinigay na tulong ng panig Tsino sa proyekto ng nasabing ospital.
Aniya, ang proyektong ito ay isa pang bunga ng pagkakaibigan ng dalawang bansa, at tugon sa pangangailangan ng mga mamamayang Kambodyano sa malusog na pamumuhay.
Isinalaysay naman ni Wang Wentian, Embahador ng Tsina sa Kambodya, na espesyal na itinayo sa nasabing ospital ang departamento ng Traditional Chinese medicine (TCM), at ang mga kaukulang gawaing preparatoryo ay pinatnubayan at pinamumunuan ng grupo ng mga dalubhasa ng TCM sa antas ng estado ng Tsina.
Nananalig aniya siyang lubos na patitingkarin ng mga dalubhasa ang bentahe ng TCM sa paglaban at paggamot ng COVID-19, at bibigyang-tulong ang pag-unlad ng tradisyonal na medisina ng Kambodya.
Nasa sentro ng kalunsuran ng Phnom Penh ang naturang ospital, at sinimulan ang konstruksyon nito noong Oktubre ng 2018.
Salin: Vera
Pulido: Mac