Kaugnay ng pahayag sa NATO Extraordinary Summit, ipinahayag Huwebes, Marso 24, 2022 ng Tagapagsalita ng Misyon ng Tsina sa Unyong Europeo (EU) na mariing tinututulan ng panig Tsino ang mga komento ng NATO hinggil sa Tsina.
Sinabi ng Tagapagsalita na ang naturang mga komento at pahayag ng NATO ay pagpuna at pagdududa na walang katibayan. Ito rin aniya ay pagbabanta ng NATO sa Tsina.
Ayon sa nasabing Tagapagsalita, ang paninindigang Tsino sa krisis ng Ukraine ay parating obdiyektibo at makatarungan. Sinabi pa niyang sapul nang maganap ang krisis ng Ukraine, nagsisikap ang Tsina para pasulungin ang talastasang pangkapayapaan ng Rusya at Ukraine, isulong ang tigil putukan at pigilan ang malawakang krisis na humanitarian.
Tinukoy ng tagapagsalita na bilang resulta ng Cold War at pinakamalaking kuwalisyong militar sa buong daigdig, iginigiit ng NATO ang lumang ideyang panseguridad na patuloy na nagpapalawak ng hanggahan at lawak ng operasyon at nagpapasulong ng komprontasyon sa pagitan ng mga bansa at rehiyon.
Binigyang-diin ng tagapagsalita na dapat panatilihin ang pagmamatyag at matatag na tutulan ang umano’y New Cold War. Aniya ang New Cold War ay salungat sa tunguhin ng kasaysayan at mithiin ng mga mamamayan ng buong daigdig.
Salin: Ernest
Pulido: Mac