Konsuladang Tsino sa LA: Isang Tsino, kasama sa mga nasawi sa pamamaril sa Monterey Park

2023-01-24 13:22:58  CMG
Share with:


Kinumpirma nitong Lunes, Enero 23, 2023, ng Konsulada Heneral ng Tsina sa Los Angeles (LA) na isang Tsino ang namatay sa pamamaril sa Lunsod ng Monterey Park, California.

Ang madugong pangyayari ay naganap alas-10:22 ng gabi, nitong nagdaang Sabado, local time, sa Star Ballroom Dance Studio, kilalang ballroom dance facility na may 30 taong kasaysayan, habang inihahandog ang selebrasyon at countdown para sa Bagong Taong Tsino.

Ayon sa kapulisan ng LA, di-kukulangin sa 11 ang namatay at 9 ang nasugatan sa insidente.

Ang lahat ng mga biktima ay edad na 50 anyos pataas.

Sa pamamagitan ng kanyang kalihim na si Stephane Dujarric, ipina-abot nitong Lunes, Enero 23, ni Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga biktima.

Nauna rito, upang alalahanin ang mga pumanaw, ipinag-utos ni Pangulong Joe Biden ng Amerika na ilagay sa kalahating tagdan ang pambansang watawat hanggang Huwebes.

Salin: Jade

Pulido: Rhio