Tsina, mahalagang trade partner ng Argentina – Ministrong Panlabas Santiago Cafiero

2023-01-26 12:23:18  CMG
Share with:

Kaugnay ng naka-video na talumpati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa katatapos na Ika-7 Summit ng Community of Latin American and Caribbean States (CELAC) at bilateral na relasyon ng Tsina’t Argentina, kinapanayam ng China Media Group (CMG), Martes, Enero 24, 2023 (lokal na oras) si Santiago Cafiero, Ministrong Panlabas ng nasabing bansa.

Sa paanyaya ni Pangulong Alberto Fernandez ng Argentina, kasalukuyang Presidente ng CELAC, nagtalumpati si Xi sa nasabing summit.

Relasyong China-LAC, ibayo pang isusulong

Ipinahayag ni Cafiero na ang pagdalo ng Tsina sa diskusyon sa Global South agenda ay maaaring magpasulong ng kooperasyon at koordinasyon sa ilalim ng naturang multilateral na agenda.

Aniya, may makabuluhang katuturan ang paglahok ng Tsina sa talastasang inilunsad ng mga bansa ng Latin America at Caribbean (LAC) dahil ang Tsina ay mahalagang trade partner ng karamihan sa nabanggit na mga bansa.

Dahil dito, inaasahan aniya ng mga bansa ng LAC na mapapalakas ang relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan sa Tsina habang pinapalalim ang mutuwal na pagkakaunawaan.

Tsina, mahalagang trade partner ng Argentina

Ang 2022 ay ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina’t Argentina.

Pagdating sa relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng dalawang bansa sa hinaharap, sinabi ni Cafiero na ang Tsina ay mahalagang trade partner ng Argentina, at dahil dito, lumahok ang Argentina sa Belt and Road Initiative (BRI).

Naniniwala siyang malakas na maisusulong ang relasyon ng dalawang bansa hindi lamang sa kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, kundi sa imprastruktura.

Malaking tulong ang mga ito sa pagpapasulong ng dibersibidad at pagiging kompetetibo ng mga produkto ng Argentina sa pamilihan ng Tsina at daigdig, dagdag pa ni Cafiero.  

Argentina, sabik sa pagsapi sa BRICS

Dahil ang Tsina, Brasil, at Indiya ay mga pangunahing trade partner ng Argentina, sinabi ni Cafiero na nagharap na ng aplikasyon ang kanyang bansa para sa pagsapi sa mekanismong pangkooperasyon na BRICS (Brazil, Russia, India, China, South Africa).

Dagdag niya, ang Brasil ang pinakamalaking katuwang na pangkalakalan ng Argentina, samantalann ang Tsina ay ikalawa at ang Indiya ay ikaapat. 

Pagpapalitang tao-sa-tao, inaasahang lalakas pa

Sa tingin ni Cafiero, importante ang pag-uunawaan ng mga mamamayan ng iba't-ibang bansa, kaya ang pundasyon ng pagpapalakas ng bilateral na pagpapalitan ay pagpapasulong ng pagpapalitang tao-sa-tao at pangkultura.

Diin niya, hindi lamang pagtatatayo ng ugnayang pangkabuyat pangkalakalan ng Argentinat Tsina ang mahalaga, kundi importante rin ang pagpapalakas ng pagpapalitang pangkultura.

Sa ganitong paraan lamang, mananatiling matibay ang bilateral na relasyon, at hindi ito maaapektuhan ng pagpapalit ng pamahalaan at matataas na opisyal, saad pa niya.

Hinimok din ni Cafiero ang dalawang bansa na itayo ang tulay na pangkultura para maisakatuparan ang komong kaunlaran sa pamamagitan ng pag-uunawaan at pinagbabahaginang paniniwala.

Salin: Jade

Pulido: Rhio