Komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Kambodya, may malaking progreso – MOFA

2023-02-07 16:21:46  CMG
Share with:

Inanunsyo, Lunes, Pebrero 6, 2023 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa paanyaya ni Premyer Li Keqiang ng bansa, opisyal na dadalaw sa Tsina si Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, mula Pebrero 9 hanggang 11.

 

Saad ni Mao, si Hun Sen ay matalik na kaibigan ng mga mamamayang Tsino, at sa panahon ng naturang pagdalaw, magkakahiwalay na makikipagtagpo at makikipag-usap sa kanya ang mga lider na Tsino.

 

Mapagpapalitan aniya ng kuru-kuro ang dalawang panig, kaugnay ng bilateral na relasyon at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa mahalaga sa dalawang bansa.

 

Diin ni Mao, nitong nakalipas na ilang taon, sa ilalim ng estratehikong patnubay ng mga lider ng dalawang bansa, naging mabunga ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Kambodya, bagay na nakapaghatid ng aktuwal na kapakanan sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at nakapagbigay ng ambag para sa kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon, maging ng buong mundo.

Dagdag pa Mao, ang kasalukuyang taon ay ika-65 kaarawan ng relasyong diplomatiko at taon ng pagkakaibigan ng Tsina at Kambodya.

 

Kaya naman umaasa aniya ang panig Tsino na magiging pagkakataon ang gaganaping pagdalaw ni Hun Sen, upang mapasulong ang mas malaking pag-unlad sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng magkabilang panig, at magiging daan upang maipamana sa hene-henerasyon ng mga Tsino at Kambodyano ang matalik na pagkakaibigan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio