Outbound group tours ng Tsina, napanumbalik: Ahensyang panturismo ng Pilipinas, handa na sa pagbalik ng mga turistang Tsino

2023-02-08 21:27:06  CMG
Share with:


Kasabay ng pagpapanumbalik ng Tsina, Lunes, Pebrero 6, 2023, ng pang-grupong biyahe palabas o outbound group tour, maraming pangkat panturismo ang nagbiyahe mula sa iba’t-ibang lugar ng Tsina papunta sa mga bansang dayuhan.

 

Ang Pilipinas ay isa sa 20 pilot countries na aprubado ng Tsina.

 

Kaugnay nito, sa eksklusibong panayam ng China Media Group Filipino Service, sinabi ni Wilson Techico, Bise Presidente ng Uni Orient Travel Inc. ng Pilipinas, handa na ang kanyang ahensya sa pagbalik ng mga turistang Tsino.

 

Naniniwala siyang pasusulungin ng muling pagbibiyahe sa Pilipinas ng mga turistang Tsino ang pag-unlad ng kabuhayan ng bansa.

 

Wilson Techico, Bise Presidente ng Uni Orient Travel Inc. ng Pilipinas


Ani Techico, upang salubungin ang mga panauhing Tsino, muling sinanay ng kanyang kompanya ang mga empleyado nito para mabigyan sila ng serbisyo na kasin-de-kalidad o mas mahusay pa kaysa noong bago maganap ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng mga turistang dayunan ng Pilipinas bago magpandemiya, at noong 2019, mahigit 1.74 milyong turistang Tsino ang naglakbay sa bansa ito ay katumbas ng 21.10% ng kabuuang 8.26 na milyong turista na nagtungo sa Pilipinas sa taong iyon.

Ani Techico, ang Boracay, Cebu, Bohol at Palawan ay nananatili pa ring pinakagustong bisitahin ng mga bihayerong Tsino.

Upang lubos na makuntento ang mga biyaherong Tsino sa kagandahan ng Pilipinas, balak ng kanyang kompanya na ipakilala ang mas marami pang destinasyong panturismo na gaya ng Ilocos, Pampanga at iba pang mga lugar.

Matatandaang noong Enero 25, 2023, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang unang batch ng humigit-kumulang 190 turistang Tsino, sakay ang Xiamen Airlines.

Mainit silang sinalubong at tinanggap nina Christina Garcia Frasco, Kalihim ng Kagarawan ng Turismo (DOT), at Cesar Chiong, General Manager ng Manila International Airport Authority (MIAA).

Mga turistang Tsino habang mainit na tinatanggap ni Kalihim Frasco

Ipinagkaloob din sa mga panauhing Tsino ang mga pasalubong mula sa DOT, MIAA, Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas, at samahan ng Pilipino-Tsino.


Kalihim Frasco at Embahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas habang nagkakaloob ng pasalubong sa mga batang turistang Tsino


 Palabas na inihandog ng Banda Kawayan sa mga turistang Tsino

Kaugnay nito, sinabi ni Kalihim Frasco na ang pagdating ng mga turistang Tsino ay hudyat ng napakagandat mapagpalang simula ng Bagong Taong Tsino, at nagpapahiwatig ng positibong resulta ng dalaw-pang-estado sa Tsina ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ang naturang pagdalaw at ang resultang hatid nito ay lalo pang magpapalakas sa ugnayan ng dalawang bansa, aniya pa.

Dagdag ni Frasco, dahil sa paninindigan ng dalawang pamahalaan, ibayo pang bubuti ang relasyong Pilipino-Sino sa hinaharap, kaya, nananabik ang Pilipinas sa muling pagdating ng mas maraming turistang Tsino.

Malaking tulong ito sa pagsisikap ng Pilipinas upang baguhin at panumbalikin ang industriya ng turismo ng bansa, saad niya.

Kabilang sa iba pang 19 na pilot countries ay Thailand, Indonesya, Kambodya, Malaysiya, Singapore, Laos, Sri Lanka, Maldives, United Arab Emirates (UAE), Ehipto, Kenya, Timog Aprika, Rusya, Switzerland, Hungary, New Zealand, Argentina, Cuba, at Fiji.


Artikulo: Jade

Pulido: Rhio

Larawan: Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas/Wilson Techico/Xinhua/CFP