ASEAN Tourism Forum 2023, ipininid sa Indonesya

2023-02-06 16:01:34  CMG
Share with:

Ipininid, Linggo, Pebrero 5, 2023 sa Yogyakarta, Indonesya ang 4-araw na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Tourism Forum 2023, kung saan tinalakay ang hinggil sa pagpapasulong sa pagbangon ng turismo pagkatapos ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Bukod sa mga bansang ASEAN, inanyayahan din dito ang mga bansang kinabibilangan ng Tsina, Hapon, Timog Korea, Indiya at Rusya.

 

Sa kanyang pagdalo sa porum, pinasalamatan ni Kalihim Christina Frasco ng Kagawaran ng Turismo (DoT) ng Pilipinas ang Tsina sa pagkakalakip ng bansa sa listahan ng mga pilot destination para sa group outbound travel makaraang maalis ang mga restriksyon sa paglalakbay.

 

Aniya, ang pagbalik ng mga turistang Tsino ay makakapagpasigla ng turismo ng Pilipinas.

 


Inihayag naman ni Sandiaga Uno, Ministro ng Turismo at Creative Economy ng Indonesya, na napakalaki ng kakayahan sa pagbangon ng industriya ng turismo, lalung lalo na, pagkaraang muling buksan ng Tsina ang outbound trip.

 

Dahil dito, magiging mabilis ang pagbangon ng turismo ng ASEAN, aniya.

 

Itinayo ang ASEAN Tourism Forum noong 1981, at ito’y halinhinang itinataguyod ng 10 bansang ASEAN kada taon.

 

Layon ng porum na magkakasamang pasulungin ang pag-unlad ng turismo, at itatag ang mga bansang ASEAN bilang integradong destinasyong panturista.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio