Ipinaratang kamakailan ng Philippine Coast Guard (PCG) na ginamit ng isang bapor ng China Coast Guard (CCG) ang laser laban sa isang bapor ng Pilipinas.
Kaugnay nito, iniharap ng panig Pilipino ang diplomatikong protesta sa Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas.
Bilang tugon, sa mga regular na preskon Pebrero 13 at 14, 2023, inihayag ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang Ren’ai Reef ay bahagi ng Nansha Islands ng Tsina.
Nitong Pebrero 6, walang pahintulot na pumasok ang bapor ng PCG sa rehiyong pandagat ng Ren’ai Reef.
Ipinagtanggol aniya ng CCG ang soberanya at kaayusang pandagat ng Tsina, alinsunod sa mga domestiko’t pandaigdigang batas na kinabibilangan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa pamamagitan ng propesyonal at mapagtimping paraan.
Sa pamamagitan ng umiiral na tsanel ng komunikasyon hinggil sa mga suliraning pandagat, isinagawa ng mga ministring panlabas ng dalawang bansa ang pag-uugnayan tungkol dito, dagdag ni Wang.
Sa kasalukuyan, payapa aniya sa kabuuan ang kaukulang rehiyong pandagat.
Diin ni Wang, ang umano’y kaso ng arbitrasyon ng South China Sea na inilunsad ng Pilipinas ay purong komedyang pulitikal na niluto ng Amerika.
Ilegal at walang bisa ang di-umano’y hatol, at hindi ito nakakaapekto sa karapatan ng panig Tsino sa South China Sea, saad ni Wang.
Salin: Vera
Pulido: Rhio