Prospek ng pagtutulungang panturismo ng Pilipinas at Tsina, maganda – Herman Laurel

2023-02-09 16:14:47  CMG
Share with:



Kasabay ng pagpapanumbalik ng Tsina, Lunes, Pebrero 6, 2023, ng pang-grupong biyahe palabas o outbound group tour, maraming Tsino ang nagtungo sa mga destinasyong panturismo sa labas ng bansa.

Ang Pilipinas, bilang isa sa 20 pilot countries na aprubado ng Tsina, ay isa sa mga pinakagustong puntahan ng mga biyaherong Tsino.

Noong 2019, mahigit 1.74 milyong turistang Tsino ang naglakbay sa Pilipinas  ito ay katumbas ng 21.10% ng kabuuang 8.26 na milyong turista na nagtungo sa Pilipinas sa taong iyon.  

Dahil dito, ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng mga turistang dayuhan ng Pilipinas bago mag-pandemiya.

Sa eksklusibong panayam sa China Media Group – Filipino Service, sinabi ni Herman Laurel, Founder ng Philippine-BRICS Strategic Studies at dalubhasa sa ugnayang Pilipino-Sino, na ang turismong galing sa Tsina ay isa sa mga magpapabangon sa ekonomiya ng Pilipinas makaraan ang pandemiya.

Herman Laurel, Founder ng Philippine-BRICS Strategic Studies at dalubhasa sa ugnayang Pilipino-Sino

Kasama ng agrikultura, imprastruktura, at enerhiya, ang pagpapalitang tao-sa-tao ay isa sa apat na priyoridad ng ugnayang Pilipino-Sino.

Bago niya sinimulan ang dalaw-pang-estado sa Beijing mula Enero 3 hanggang Enero 5, 2023, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na mainit na tatanggapin ng Pilipinas ang mga panauhing Tsino bilang turista, estudyante at mamumuhunan para mapanumbalik ang kooperasyong panturismot pangkultura ng Pilipinas at Tsina.

Bunga ng dalaw-pang-estado ni Pangulong Marcos Jr. sa Tsina, pinirmahan ng dalawang bansa ang Implementation Program of the Memorandum of Understanding (MOU) on Tourism Cooperation (2023-2028).

Ayon dito, magsisikap ang Pilipinas at Tsina para maibalik sa lebel bago magpandemiya, ang biyahe ng mga Tsino sa Pilipinas. 

Anang MOU, sang-ayon din ang dalawang bansa na ibayo pang palakasin ang kooperasyong lokal, pasulungin ang praktikal na kooperasyon, at isagawa ang mga mapagkaibigang pagpapalitan sa pagitan ng mga sister province at city.

Hinggil dito, sinabi ni G. Laurel, na dahil sa patuloy na pagganda ng relasyong Pilipino-Sino,  inaasahan ng Pilipinas na mas maraming turistang Tsino ang bibisita sa bansa sa mga darating na panahon.


Mahilig ang mga biyaherong Tsino sa magagandang tanawin, pambihirang kultura, mababait na tao, at  masasarap na pagkain ng Pilipinas 

Matatandaang noong Enero 25, 2023, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang unang grupo ng mga 190 turistang Tsino, sakay ang Xiamen Airlines.

Mainit silang sinalubong at tinanggap nina Christina Garcia Frasco, Kalihim ng Kagarawan ng Turismo (DOT), Cesar Chiong, General Manager ng Manila International Airport Authority (MIAA), at iba pa.

Kalihim Frasco habang nagkakaloob ng pasalubong sa mga batang turistang Tsino


Sa seremonyang panalubong, sinabi ni Kalihim Frasco na ang pagdating ng mga turistang Tsino ay hudyat ng napakagandat mapagpalang simula ng Bagong Taong Tsino, at nagpapahiwatig ng positibong resulta ng dalaw-pang-estado sa Tsina ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Dagdag ni Frasco, dahil sa paninindigan ng dalawang pamahalaan, ibayo pang bubuti ang relasyong Pilipino-Sino sa hinaharap, kaya, nananabik ang Pilipinas sa muling pagdating ng mas maraming turistang Tsino.

Malaking tulong ito sa pagsisikap ng Pilipinas upang baguhin at panumbalikin ang industriya ng turismo ng bansa, saad niya.

Ibinahagi rin ni G. Laurel ang katulad na positibong pananaw sa relasyong Pilipino-Sino.

Aniya, bunga ng napakalakas na partnership ng dalawang bansa at pagkakapatiran  ng mga mamamayan ng dalawang lipunan, magiging maganda ang kinabukasan ng Pilipinas at Tsina sa mga darating na dekada.

 

Panayam/Artikulo: Jade

Pulido: Rhio