Obdyektibo, makatarungan, at propesyonal na imbestigasyon sa pagsabog ng Nord Stream, ipinanawagan ng Tsina

2023-02-23 12:03:27  CMG
Share with:

Tinukoy Miyerkules, Pebrero 22, 2023 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na parami nang parami ang kaso na nagpapakitang sinasadya ang insidente ng mga pagsabog ng natural gas pipeline ng Nord Stream, sa halip ng aksidente.

 

Aniya, bilang mahalagang transnasyonal na imprastruktura at malaking ugat ng transportasyon ng enerhiya, ang pagsabog ng Nord Stream natural gas pipelines ay nagbunsod ng malubhang negatibong epekto sa pandaigdigang pamilihan ng enerhiya at kapaligirang ekolohikal.

 

Ipinalalagay aniya ng panig Tsino na kinakailangan ang pagsasagawa ng obdyektibo, makatarungan at propesyonal na imbestigasyon dito, at panagutin sa batas ang mga may-kagagawan.

 

Bilang isang organong pandaigdig na may pinakamalaking awtoridad at pagkatawan, mapapatingkad ng United Nations (UN) ang positibo’t konstruktibong papel para sa pagsasagawa ng imbestigasyong pandaigdig, dagdag ni Wang.

 

Diin niya, ang insidente ng Nord Stream ay hindi lamang isyung ekonomiko na may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan, kundi isyung pulitikal din na makakaapekto sa seguridad at katatagan ng buong Europa.

 

Sa harap ng mga detalyadong materyales at ebidensya, di-sapat ang simpleng pagpapabulaan ng kaukulang bansa, ani Wang.

 

Inihayag niya ang pag-asang hahanapin ng kaukulang panig ang katotohanan sa lalong madaling panahon, para pangalagaan ang seguridad ng mahahalagang transnasyonal na imprastruktura, at ipagtanggol ang kapayapaan at katahimikan ng mundo.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil