Kasunduan sa bagong Northern Ireland deal, inanunsyo ng Britanya at EU

2023-02-28 14:58:57  CMG
Share with:

Inanunsyo nina Punong Ministro Rishi Sunak ng Britanya at Pangulong Ursula von der Leyen ng European Commission ang isang kasunduan hinggil sa bagong Brexit deal sa Northern Ireland.

 


Matapos ang pulong sa Windsor para isapinal ang sinusugang kasunduan, Lunes, Pebrero 27, 2023, kinumpirma nina Sunak at von der Leyen ang pagsang-ayon sa bagong “Windsor framework” upang wakasan ang di-tiyak na situwasyon sa Northern Ireland.

 

Samantala, sa preskon pagkatapos ng naturang pulong, sinabi ni Sunak na napapaloob sa bagong kasunduan ang pagpapawalang-bisa sa customs paperwork kapag magpapadala ng mga pakete sa pagitan ng mga kaibigan, kapamilya at mga online order, upang pangalagaan ang katayuan ng Northern Ireland sa Unyong Europeo (EU).

 

Ito’y nangangahulugan na anumang pagbabago sa buwis o excise na ginawa ng panig Britaniko ay magkakabisa rin sa Northern Ireland.

 

Pahihintulutan din ng bagong kasunduan ang pagtigil ng parliamento ng Northern Ireland sa paggamit ng mga batas ng EU.

 

Sinabi naman ni von der Leyen na ang bagong kasunduan ay angkop sa lahat.

 

Iginagalang at pinangangalagaan ng Windsor framework ang pamilihan ng isa’t-isa, dagdag niya.

 

Ayon kay Sunak, boboto ng parliamento ng Britanya sa nasabing bagong kasunduan sa angkop na panahon.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio