Kauna-unahang face-to-face bilateral consultation ng Tsina at Pilipinas sapul nang sumiklab ang pandemiya, idaraos

2023-03-21 15:48:28  CMG
Share with:

Inihayag Lunes, Marso 20, 2023 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na mula Marso 22 hanggang 24, magkasamang mangungulo sina Sun Weidong, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, at Theresa P. Lazaro, Pangalawang Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, sa ika-23 na konsultasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas at ika-7 na pulong ng Mekanismo ng Bilateral na Konsultasyon sa South China Sea.

 

Ito aniya ang kauna-unahang bilateral na konsultasyong mukha-sa-mukha sa pagitan ng mga ministring panlabas ng kapuwa panig, sapul nang sumiklab ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

 

Isinalaysay ni Wang na komprehensibong paghahambingin ng kapuwa panig ang mga tala hinggil sa pagpapatupad ng mahahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa sa biyahe ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa Tsina noong nagdaang Enero, at pagpapasulong sa kooperasyon sa mga pangunahing larangan.

 

Malalimang mag-uugnayan din ang magkabilang panig tungkol sa maayos na paghawak sa mga alitang may kinalaman sa dagat at pagpapasulong sa pragmatikong kooperasyong pandagat, at magpapalitan ng kuru-kuro sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nilang pinahahalagahan, dagdag niya.

 

Umaasa at nananalig aniya ang panig Tsino na sa pamamagitan ng gaganaping konsultasyon, ibayo pang pahihigpitin ng kapuwa panig ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan, padadalasin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan, at magkasamang magpupunyagi para sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil