CMG Komentaryo: Estratehikong kooperasyon ng Tsina at Rusya, napakahalaga para sa daigdig

2023-03-23 15:28:26  CMG
Share with:

Kasiya-siyang natapos Miyerkules, Marso 22, 2023 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalaw-pang-estado sa Rusya.

 

Mabungang-mabunga ang nasabing pagdalaw, at nagsilbi itong biyahe ng pagkakaibigan, kooperasyon at kapayapaan na may katuturang historikal.

 

Ito ang kauna-unahang pagbisita ni Xi sa ibayong dagat sa kanyang ika-3 termino ng pagkapangulo, at ika-9 na beses ng pagdalaw sa Rusya bilang pangulo ng bansa.

 

Sa magkasanib na preskon ng mga lider ng dalawang bansa, sinabi niyang, ang relasyong Sino-Ruso ay higit na sa bilateral na kategorya, at ito’y masusing-masusi para sa kayarian ng daigdig at kapalaran ng sangkatauhan.

 


Malinaw na ipinakikita ng katatapos na biyahe ni Xi na palagiang iginigiit ng Tsina ang independiyenteng patakarang diplomatiko; at ang pagpapatibay at pagpapaunlad ng relasyong Sino-Ruso ay estratehikong pagpili ng Tsina batay sa sariling pundamental na kapakanan at pangkalahatang tunguhin ng pag-unlad ng daigdig.

 

Sa kasalukuyan, isinusulong ng ilang bansang kanluranin ang bloc politics at camp-based confrontation, batay sa kaisipan ng Cold War – bagay na nagsasapanganib sa kapayapaan at katatagan ng daigdig.

 

Sa harap ng masalimuot na kalagayang pandaigdig, nagiging mas namumukod ang pangangailangan sa pagpapalakas ng ugnayan at pagtutulungan ng Tsina at Rusya.

 

Bilang mga pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council (UNSC), buong tatag na pinapasulong ng Tsina at Rusya ang multi-polarisasyon ng mundo at demokratisasyon ng relasyong pandaigdig.

 

Dahil dito, ang dalawnag bansa ay naging pangunahing puwersa sa pangangalaga sa pandaigdigang kapayapaan at katiwasayan.

 

Alinsunod sa mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, tiyak na mas lalalim ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng Tsina at Rusya sa makabagong panahon, at kapit-bisig nilang pau-usbungin ang mas malaking lakas-panulak sa multi-polarisasyon ng mundo at demokratisasyon ng relasyong pandaigdig, tungo sa pagkakaroon ng mas maraming garantiya sa kaligtasan at kaunlaran ng mundo.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio