Sa kanyang pakikipagtagpo sa Beijing Lunes, Marso 27, 2023 kay Pangkalahatang Kalihim Kao Kim Hourn ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), inihayag ni Ministrong Panlabas Qin Gang ng Tsina, na ang ugnayan ng dalawang panig ay nagsisilbing modelo ng mapayapa’t mapagkaibigang pakikipamuhayan ng mga malaki at maliit na kapitbansa.
Kasama ng ASEAN, nakahanda aniya ang panig Tsino na palaganapin ang simulain ng Karta ng United Nations (UN) at diwa ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC), at magkakapit-bisig na pangalagaan ang mga alituntunin at kaayusan ng rehiyon.
Hinahangaan ng panig Tsino ang pagsapi ng 10 bansang ASEAN sa Grupo ng mga Kaibigan ng Global Development Initiative, at kahandaan nitong pasulungin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa pagitan ng Belt and Road Initiative at Outlook ng ASEAN sa Indo-Pasipiko, dagdag ni Qin.
Sinabi naman ni Kao na ang Tsina ay matalik na katuwang ng ASEAN.
Nakahanda aniya ang ASEAN na pabilisin ang pakikipagtalastasan sa panig Tsino sa usapin ng sona ng malayang kalakalan at pagsasanggunian sa Code of Conduct in the South China Sea (COC), magkasamang pagtatanggol ng seguridad at katatagan ng rehiyon, at pagpapasulong ng komong kasaganaang panrehiyon.
Salin: Vera
Pulido: Rhio