Tsina’t Pilipinas, may komong palagay at katalinuhan sa maayos na pangangasiwa sa mga alitang pandagat – ekspertong Tsino

2023-04-17 10:49:16  CMG
Share with:

Ipinahayag ni Xu Bu, Presidente ng China Institute of International Studies (CIIS) sa isang press salon sa Beijing, Abril 12, 2023, na ang Tsina at Pilipinas ay matalik na magkapitbansa sa magkabilang pampang ng karagatan, at ang pagpapanatili ng mapagkaibigan at kooperatibong relasyon ay siguradong angkop sa kapakanan ng kapuwa panig.

Ipinagdiinan niyang kahit may alitan ang dalawang bansa sa South China Sea, alam ng Tsina’t Pilipinas na hindi dapat maka-apekto ang mga alitang pandagat sa pangkalahatang pag-unlad ng bilateral na relasyon at pagpapalita’t pagtutulungan.

Xu Bu, Presidente ng China Institute of International Studies 

“Sa tingin ko, may komong palagay at katalinuhan ang magkabilang panig upang maayos na pangasiwaan ang mga alitan, sa pamamagitan ng makatuwirang negosasyon,” dagdag ni Xu.

Ipinahayag ni G. Xu ang naturang paninindigan bilang reaksyon sa may kinalamang pananalita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Pilipinas. 

Sa kanyang pakikipag-usap sa media kasabay ng pagdalo sa Ika-81 Anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Bundok Samat, Pilar, Bataan, Abril 10, 2023, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na hindi dapat mangamba ang Tsina sa mga bagong Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa Pilipinas dahil ang mga ito ay nakatuon lamang sa kaunlaran at depensa ng bansa.

Hindi aniya papayag ang Pilipinas na gamitin ang nasabing mga base sa kahit anong opensibang aksyon.

Dagdag pa ni G. Xu, ang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea ay responsibilidad ng lahat ng mga bansa sa rehiyon.

Upang maipagtanggol ang kapayapaan at katatagan sa Asya-Pasipiko, kailangan aniyang “buong tatag nating pag-ukulan ng pokus ang pag-unlad ng kabuhayan, pragmatikong kooperasyon, paggagalangan, kooperasyon at win-win na resulta.”

“Nananalig akong ganito ang diwang nais ipahiwatig ni Pangulong Marcos Jr.” ani Xu.

Saad pa niya, ang Pilipinas na maraming beses niyang binisita ay mahalagang bansa sa rehiyong Asya-Pasipiko, at naniniwala siyang “lubos ang pananabik ng Tsina at Pilipinas sa mga aktuwal na benepisyong idudulot ng pragmatikong kooperasyon.”

Bukod dito, ipinaliwanag din ni Xu ang pananaw at pagpapatupad ng diplomasiyang Tsino, lalo na sa paksang "Bagong Biyahe ng Diplomasiyang Tsino.”

Ipinaliwanag din niya ang mga katangian nito na gaya ng pagiging independiyente, pagtalima sa 5 prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhayan, mapayapang pag-unlad, at pagtatayo ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.


Ulat/Larawan: Rhio Zablan at Ramil Santos

Patnugot: Jade