Mga impormasyon kaugnay ng China-Central Asia Summit, inilahad ng mga opisyal na Tsino

2023-05-17 15:54:29  CMG
Share with:

Sa unang news briefing ng China-Central Asia Summit (CCAS) na ginanap Martes, Mayo 16, 2023, isinalaysay ni Yu Jun, Pangalawang Direktor Heneral ng Departamento ng mga Suliraning Europeo at Gitnang Asyano ng Ministring Panlabas ng Tsina, na mangungulo at magtatalumpati sa summit si Pangulong Xi Jinping ng bansa, para ilahad ang paninindigan ng panig Tsino hinggil sa paanong itatatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at limang bansang Gitnang Asyano.

 

Ihaharap din ni Pangulong Xi ang isang serye ng mga inisyatiba at paninindigan sa pangmalayuang pag-unlad ng kooperasyon ng anim na bansa, aanunsyunin ang maraming pragmatikong hakbangin, at komprehensibong babalakin ang direksyon ng kooperasyon ng Tsina at Gitnang Asya, dagdag niya.

 


Saad ni Yu, sa gaganaping summit, magkakasamang lalagdaan ng mga lider ng anim na bansa ang mahahalagang dokumentong pulitikal, sasaksihan ang paglagda ng mga dokumentong pangkooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, konektibidad at iba pa.

 

Diin niya, ang kooperasyong Sino-Gitnang Asyano ay hindi nakakatuon sa ika-3 panig, at walang intensyon itong makipagkompetensiya sa ibang mekanismo.

 

Nais aniya ng panig Tsino na suportahan ang anumang hakbanging tunay na makakatulong sa katatagan at kaunlaran ng rehiyon, at makakabuti rin sa komong kasaganaan ng rehiyon.

 

Isinalaysay naman ni Yang Xiaojun, opisyal ng China Council for the Promotion of International Trade, na bubuuin ang isang business council ng Tsina at Gitnang Asya, para mapalakas ang kooperasyong ekonomiko ng kapuwa panig, at idaraos ang seremonya ng inagurasyon ng nasabing business council sa Xi’an Biyernes, sa panahon ng CCAS.

 

Sasali rito ang mahigit 400 kinatawan mula sa mga samahang komersyal at bahay-kalakal sa mga industriyang kinabibilangan ng enerhiya, arkitektura, lohistika, pagkain, impormasyon, komunikasyon at iba pa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil