Xi’an, lalawigang Shaanxi ng Tsina – Kasabay ng pag-uusap, Huwebes ng umaga, Mayo 18, 2023 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Sadyr Japarov ng Kyrgyzstan, magkasama nilang inanunsyo ang pag-aangat sa relasyon ng dalawang bansa sa lebel ng komprehensibo’t estratehikong partnership sa makabagong panahon.
Diin ni Xi, dapat pag-ibayuhin ng dalawang bansa ang pagkakatigan, lalong lalo na, sa usapin ng maliwanag at mabisang pagsuporta sa nukleong interes ng isa’t-isa.’
Dapat din aniyang palakasin ang sariling mga estratehiyang pangkaunlaran at koordinasyon ng mga patakaran; pasulungin ang pragmatikong kooperasyon sa iba’t-ibang larangan sa pamamagitan ng de-kalidad na kooperasyon sa Belt and Road; pataasin ang lebel ng kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan; pasulungin ang pagtutulungan sa mga proyektong may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan, pagbibigay-tulong at pagbabawas sa karalitaan, at pagpapasigla ng kanayunan; palalimin ang kooperasyon sa konektibidad; at pasimulan sa lalong madaling panahon ang konstruksyon ng daambakal sa pagitan ng Tsina, Kyrgyzstan at Uzbekistan.
Inihayag naman ni Pangulong Japarov na ang pagpapataas ng relasyong Kyrgyz-Sino at pagkakaisa ng palagay sa pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Kyrgyzstan at Tsina ay tiyak na makakapagpasulong sa pagtaas ng komprehensibong kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa sa bagong antas.
Sinaksihan din ng dalawang pangulo ang paglagda ng maraming dokumento sa bilateral na kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, industriya, pamumuhunan, adwana, agrikultura, pagpapalitang tao-sa-tao at iba pa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio