Xi’an, lalawigang Shaanxi sa hilagang kanluran ng Tsina – Isang seremonya at bangkete ang itinaguyod Huwebes, Mayo 18, 2023 ng unang mag-asawa ng Tsina para salubungin ang mga dumadalaw na unang mag-asawa ng mga bansang Gitnang Asyano.
Nasa Xi’an ngayon ang mga lider ng Kazakhstan, Kyrgyzstan, Tajikistan, Turkmenistan at Uzbekistan para dumalo sa China-Central Asia Summit.
Sa kanyang talumpating panalubong, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang Shaanxi ay silangang starting point ng sinaunang silk Road, at sinaksihan ng lalawigang ito ang malalimang pagkakaibigan sa pagitan ng Tsina at mga bansang Gitnang Asyano.
Ang pagpapalalim ng kooperasyon ng Tsina at Gitnang Asya ay isang estratehikong pagpili na ginawa ng mga lider ng kasalukuyang henerasyon na tumutungo sa hinaharap, dagdag niya.
Winewelkam aniya ng Tsina ang mga bansang Gitnang Asyano na sumakay sa tren ng mabilis na pag-unlad ng Tsina, at magkakasamang lumikha ng mas magandang kinabukasan para sa kooperasyong Sino-Gitnang Asyano.
Nanood din Huwebes ng gabi ang mga lider sa isang palabas na panalubong sa Tang Paradise, isang complex na nakabase sa kinaroroonan ng orihinal na relikya ng isang harding imperyal noong Dinastiyang Tang.
Salin: Vera
Pulido: Ramil