Episyenteng pamamahala at pagtulung-tulong ng mga mamamayan, susi ng tagumpay ng Tsina: dapat pag-aralan ng Pilipinas - prinsesa ng Sultanato ng Sulu

2023-05-30 17:20:25  CMG
Share with:


Embahador Jaime A. FlorCruz at Prinsesa Jacel H. Kiram, Embahada ng Pilipinas sa Beijing

 

Mayo 29, 2023, Embahada ng Pilipinas sa Beijing - Sa panayam ng Serbisyo Filipino - China Media Group (SF-CMG) kay Princess Jacel H. Kiram, Prinsesa ng Sultanato ng Sulu, Republika ng Pilipinas, sinabi niyang maraming mabubuting aral ang puwedeng mapulot ng mga Tausug at lahat ng Pilipino sa mga Tsino.


Ang prinsesa ay dumadalaw sa Tsina upang pag-aralan ang industriya ng paggawa ng mga pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal o Halal Certified Chinese Cuisine upang tingnan kung puwede itong dalhin sa Pilipinas, lalo na sa mga Muslim sa Mindanao.

 

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal at mamamayang Tsino, napansin niya ang kanilang kasipagan, epsiyensya, dedikasyon at diwa ng pagtutulungan.

 

Tungkol dito, sinabi niyang "ang Tsina po ay hindi mayamang bansa noong mga 1970s, pero sa loob ng maikling panahon, dahil sa pagtutulung-tulong ng mga Tsino, nagtagumpay ang bansa. Umaasa akong mapag-aaralan ito, at sana, 5 hanggang 10 taon mula ngayon ay magkakaroon tayo ng mas maunlad at masaganang Pilipinas."


Prinsesa Jacel H. Kiram, mga kinatawan at opisyal ng Shaanxi Halal Food Chamber of Commerce

 

Kuwento ni Jacel, ang unang hinto ng kanyang pagdalaw sa Tsina ay lalawigang Guangdong, at doon ay natikman niya ang masasarap na pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal, tulad ng siopao, siomai, hakaw, at marami pang iba.

 

"Umaasa akong madadala natin ang mga ito sa Pilipinas, partikular para sa mga Muslim sa Mindanao," dagdag niya.

 

Biro pa ng prinsesa, dahil sa sobrang sarap ng mga pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal, nadagdagan ng 2 kilo ang kanyang timbang.


Prinsesa Jacel H. Kiram, mga kinatawan at opisyal ng Xi'an Halal Chamber of Commerce


Sa kanya namang pagdalaw sa lunsod Xi'an, lalawigang Shaanxi, gawing gitna ng Tsina, sinabi ni Jacel na nakatagpo niya ang Xi'an Halal Chamber of Commerce (XHCC), na tagasertipika ng lahat ng pagkaing Halal sa Tsina.


Aniya, dinayo rin niya rito ang Huimin Jie o Muslim Street, kung saan, muli niyang tinikman ang mga pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal.


Prinsesa Jacel H. Kiram, sinilayan ang libu-libong Mandirigmang Terakota

 

Bukod diyan, nagpunta rin aniya siya sa musoleo ng unang emperador ng Tsina na si Ying Zheng o mas kilala sa tawag na Qin Shi Huang Di, kung saan, siniliyan niya ang libu-libong Mandirigmang Terakota.

 

"Napakaganda ng klima at lunsod ng Xi'an, parang Baguio," aniya pa.


Prinsesa Jacel H. Kiram at mga kaibigan, Chang'an Grand Theater


Prinsesa Jacel H. Kiram, mga kinatawan at opisyal ng Association of Returned Overseas Chinese from the Philippines

 

Sa kabilang dako, ang dahilan naman ng pagpunta ni Jacel sa Beijing ay para bisitahin ang kanyang mga kaibigan at pag-usapan ang komemorasyon ng Ika-606 na Taon ng Pagdalaw ni Paduka Batara sa Tsina.

 

Si Paduka Batara o Paduka Pahala ay ang hari ng Silangang Kaharian ng Sulu noong mga unang taon ng 1400s.

 

Bumiyahe siya sa Beijing kasama ang kanyang reyna, mga anak at enturahe noong 1417 upang makipagkalakalan at dalawin ang matalik na kaibigan, ang emperador ng Dinastiyang Ming, si Zhu Di o mas kilala bilang Emperador Yong Le.

 

Sa kasamaang-palad, habang papauwi sa Sulu, nagkasakit at namatay si Paduka Batara.

 

Nang malaman ito ng Emperador Yong Le, lubha siyang nalungkot, at bilang pagpupugay, ipinag-utos niya ang pagtatayo ng isang enggrandeng musoleo na nararapat sa isang prinsipeng Tsino sa lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, upang doon ihimlay ang mga labi ng kaibigan.

 

Dalawang anak na lalaki at ilang matatapat na sundalo ni Paduka Batara ang nagpa-iwan upang magsilbing bantay sa musoleo.

 

Doon na sila tumira at nagtayo ng pamilya kasama ang mga lokal na residente.

 

Hanggang ngayon, ang kanilang mga salinlahing mga Tsino ang nag-aalaga at nangangasiwa sa puntod ni Paduka Batara.

 

Ito ay isa sa mga pangyayaring nagbigkis at nagbuklod sa mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid at magkapamilya.

 

Paliwanag ng prinsesa, ang kuwento ni Paduka Batara ay hindi lamang nagbibigay-karangalan sa mga Tausug, kundi ito ay dangal din ng bawat ng Pilipino, dahil ito ay patunay na bago pa man dumating ang mga Kastila, mayroon na tayong modernong lipunan, kultura, pamahalaan, relasyong pangkalakalan, at diplomatikong relasyon sa Tsina.

 

"Pilipino ako. Sigurado akong ganito rin ang pakiramdam ng lahat ng Pilipinong makakaalam sa ating relasyon sa Tsina," saad pa niya.

 

Tungkol dito, sinabi ni Jacel na nagkaroon siya ng pulong kasama ang kanyang mga kamag-anak, ang mga salinlahi ni Paduka Batara.

 

Sa Setyembre 13, 2023 aniya gaganapin ang pagtitipon upang ipagdiwang ang anibersaryo ng nasabing pagdalaw, at siguradong babalik siya sa Tsina sa panahong iyan.

 

Ulat: Rhio Zablan at Ramil Santos

Larawan: Ramil Santos

Pasasalamat para sa iba pang kuhang larawan, Prinsesa Jacel H. Kiram

Patunugot: Frank/ Jade