Pangangalaga sa kalusugan ng mga ulilang Aprikano, iminungkahi ng unang ginang ng Tsina at OAFLAD

2023-06-01 16:16:01  CMG
Share with:

Ngayong araw, Hunyo 1, 2023 ay Pandaigdigang Araw ng mga Bata, at ito’y ipinagdiriwang sa Tsina kada taon.

 

Sa bisperas ng nasabing pestibal, iminungkahi ni Peng Liyuan, Unang Ginang ng Tsina at Organization of African First Ladies for Development (OAFLAD) ang paglulunsad ng kampanyang mangangalaga sa kalusugan ng mga ulilang Aprikano.

 

Alinsunod dito, kinumusta ng mga embahadang Tsino sa iba’t-ibang bansang Aprikano at mga grupong medikal sa kaukulang bansa ang mga ulilang bata sa mga bahay-ampunan at kaukulang organo, isinagawa ang medical check-up at free clinic, at namigay ng mga love package.

 

Sa nasabing inisyatiba, inihayag ni Peng, na ang Tsina ay kaibigan magpakailanman at matapat na katuwang ng Aprika.

 

Ang 2023 ay ika-60 anibersaryo ng pagkakapadala ng pamahalaang Tsino ng mga grupong medikal sa Aprika, hinggil dito, sinabi ni Peng na aktibo tumulong ang mga grupong medikal ng Tsina sa mga Aprikano, at sila’y nagsilbing embahador ng pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang panig.

 

Umaasa aniya siyang ipapadama ng nasabing kampanya ang pagmamahal sa mga bata, ihahatid ang biyaya sa mga batang Aprikano, at magbibigay-ambag sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng dalawang panig sa makabagong panahon.

 

Pinapurihan naman ng mga miyembro ng OAFLAD ang suporta ni Peng sa usapin ng kababaihan at kabataan ng Aprika nitong nakalipas na mahabang panahon, at taos puso silang nagpasalamat sa ibinigay na tulong at suporta ng panig Tsino sa Aprika.

 

Umaasa rin silang mabubuksan ang bagong kabanata ng pagkakaibigang Aprikano-Sino, at magkakapit-bisig na malilikha ang maliwanag na kinabukasan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio