Kaugnay ng kooperasyon ng Amerika, Britanya at Australya sa nuclear-powered submarine, muling hinimok Martes, Hunyo 6, 2023 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina ang nasabing tatlong bansa na totohanang makinig sa pagkabahala ng komunidad ng daigdig, itigil ang mga aksyon ng proliperasyong nuklear na gaya ng kooperasyon sa nuclear-powered submarine, ihinto ang aksyong nakakapinsala sa pandaigdigang sistema ng nuclear non-proliferation na gaya ng pagsasagawa ng double standard, at huwag likhain ang ligalig sa Pacific Ocean.
Ayon sa ulat, sa kanyang talumpati Hunyo 5, tinukoy ni Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya na ang kooperasyon ng Amerika, Britanya at Australya sa nuclear-powered submarine ay lubos na pinag-uukulan ng pansin ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Aniya, ang Timog-silangang Asya ay sonang walang sandatang nuklear, at buong tatag na tinututulan ng ASEAN ang proliperasyon ng sandatang nuklear.
Kaugnay nito, sinabi ni Wang Wenbin na ang pahayag ni Hun Sen ay nagpapakita ng unibersal na pagkabalisa ng mga bansa sa rehiyon na kinabibilangan ng mga bansang ASEAN.
Aniya, bilang komprehensibo’t estratehikong partner at mapagkaibigang kapitbansa ng ASEAN, sa mula’t mula pa’y buong tatag na kinakatigan ng Tsina ang sigasig ng mga bansang ASEAN sa pagtatatag ng sonang walang sandatang nuklear ng Timog-silangang Asya.
Ang Tsina ay unang bansang may sandatang nuklear na hayagang nagpahayag ng suporta sa Treaty on the Southeast Asia Nuclear Weapon-Free Zone, at nakahandang lumagda sa kasunduang ito.
Salin: Vera
Pulido: Ramil