Sa panunumpa sa tungkulin ng mga bagong opisyal ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa Palasyo ng Malakanyang, Miyerkules, Hunyo 7, 2023, ipinagdiinan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (PBBM) ang napakahalagang papel ng pederasyon sa paglago ng kabuhayan ng Pilipinas.
Kasabay ng historikal na panahon ng masusing pagpapasigla at pagpapanibago sa pambansang kabuhayan, ipinanawagan niya ang mapagkakatiwalaang partnership sa pagitan ng pamahalaan at nasabing pederasyon.
Nangako rin siyang ipagkakaloob ng pamahalaang Pilipino ang suporta, patuloy na pagdinig sa pagkabahala ng mga mangangalakal, at pagbibigay ng ginhawa sa mga aktibidad na pang-negosyo.
Pinasalamatan din ni Marcos ang ginawang pagsisikap ng FFCCCII para sa ugnayan ng Pilipinas at Tsina nitong nakalipas na mahabang panahon.
Ipinagdiriwang ngayong buwan ang ika-48 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Tsina, at nasa bungad nito ang mga gawain ng FFCCCII para umakit ng negosyo at maglatag ng iba’t-ibang ekonomikong pagkakataon na nakakapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayang Pilipino, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Rhio