Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo kay dumadalaw na Pangulong Iris Xiomara Castro Sarmiento ng Honduras Martes, Hunyo 13, 2023, hinangaan ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang pangako ng panig Honduran sa paggigiit sa prinsipyong isang-Tsina.
Kasama ng Honduras, nakahanda aniya ang Tsina na malalimang pasiglahin ang nakatagong lakas ng kalakalan ng dalawang bansa, pabilisin ang mga kinakailangang suliranin kaugnay ng kasunduan sa pagluluwas ng mga katangi-tanging produkto ng Honduras sa Tsina, pasimulan sa lalong madaling panahon ang negosasyon sa Free Trade Agreement (FTA), maayos na isagawa ang kooperasyon sa pamumuhunan at pangingilak ng pondo, at pabilisin ang konstruksyon ng mga proyektong may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan.
Umaasa rin si Li na ipagkakaloob ng Honduras ang maganda’t maginwahang kapaligiran para sa pamumuhunan at pagpapasimula ng negosyo ng mga kompanyang Tsino.
Winewelkam ng panig Tsino ang pagsapi ng Honduras sa “Belt and Road” cooperation, at nakahandang pasulungin, kasama ng panig Honduran, ang de-kalidad na kooperasyon ng “Belt and Road,” dagdag ng premyer Tsino.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Castro ang mabisang sigasig ng panig Tsino para sa pagpapasulong sa bilateral na kooperasyon.
Aniya, nananangan ang kanyang bansa sa prinsipyong isang-Tsina, at sumusuporta sa isang serye ng mahahalagang inisyatiba na iniharap ni Pangulong Xi Jinping.
Handa ang Honduras na palakasin ang kooperasyon sa Tsina sa mga larangang gaya ng agrikultura, pagbabawas sa karalitaan, imprastruktura at iba pa, pahigpitin ang pagpapalitang tao-sa-tao, pasulungin ang matatag at pangmalayuang pag-unlad ng bilateral na relasyon, at ihatid ang benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, dagdag ni Pangulong Castro.
Salin: Vera
Pulido: Ramil