CMG Komentaryo: Malaking lakas-panulak sa kapayapaan at kasaganaan ng Asya-Europa at daigdig, pasisiglahin ng SCO

2023-07-06 16:18:25  CMG
Share with:


Kasabay ng pormal na pagsapi ng Iran nitong Hulyo 4, 2023, umabot na sa 9 ang bilang ng mga kasaping bansa ng Shanghai Cooperation Organization (SCO).

 

Ang SCO ay hindi sarado’t nagtatanging alyansa, sa halip, ito ay nakapokus sa magkasamang pagtatatag ng bukas at inklusibong pamilya.

 

Bilang isang organisasyong nakatutok sa seguridad, kaunlaran at kooperasyon, walang humpay na pinapalakas ng SCO ang positibong puwersa para sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong Asya-Europeo, maging ng buong daigdig.

 

Sa kanyang naka-video na talumpati sa Ika-23 Pulong ng Council of Heads of State ng SCO, iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang 5 mungkahing kinabibilangan ng: paggigiit ng tumpak na direksyon, at pagpapalakas ng pagkakaisa at pagtitiwalaan; pangangalaga sa kapayapaang panrehiyon, at paggarantiya sa komong seguridad; pagpopokus sa pragmatikong kooperasyon, at pagpapabilis sa pagbangon ng kabuhayan; pagpapalakas ng pagpapalitan at mutuwal na pagkatuto, at pagpapasulong sa people-to-people bond; pagpapatupad sa  multilateralismo, at pagkumpleto sa global governance.

 

Ang nasabing mga mungkahi ay pawang napapaloob sa mga ideya ng Global Security Initiative (GSI), Global Development Initiative (GDI), at Global Civilization Initiative (GCI).

 


Pinalalim ng mga ito ang inisyatiba at paninindigan ng panig Tsino sa Summit ng SCO sa Samarkand noong nagdaang taon, at inilarawan ang malinaw na roadmap para sa sustenableng pag-unlad ng SCO.

 

Sa kasalukuyang summit, nilagdaan ng iba’t-ibang panig ang memorandum of understanding hinggil sa pagsapi ng Belarus sa mga obligasyon ng SCO.

 

Sa mula’t mula pa’y matatag na pinangangalagaan ng SCO ang sistemang pandaigdig, kung saan ang nukleo ay United Nations (UN); at kaayusang pandaigdig na ang batayan ay pandaigdigang batas, kaya ang pagdami ng mga kasapi ng organisasyong ito ay mabisang makakapagpasulong sa pagiging mas makatarungan at makatuwiran ng global governance.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio