Makaraang ilabas Martes, Hulyo 4, 2023 ng International Atomic Energy Agency (IAEA) ang komprehensibong ulat hinggil sa isyu ng pagtatapon ng Hapon ng nuklear na kontaminadong tubig ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Station sa dagat, ipinalalagay ng maraming Hapones na ito ay kapos sa mapanghikayat na patunay na angkop sa pandaigdigang pamantayang panseguridad.
Tinukoy naman ng maraming grupong di-pampamahalaan ng Timog Korea na ang nasabing ulat ay hindi dapat maging “kalasag” ng Hapon, at hindi dapat isalehitimo ang pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig.
Pangunahing tungkulin ng IAEA ay pagsusulong sa ligtas, mapagkakatiwalaan, at mapayapang paggamit ng teknikang nuklear, at hindi ito ang organo sa pagtasa ng pangmalayuang epekto ng nuklear na kontaminadong tubig sa kapaligirang pandagat at malusog na pag-usbong ng mga nabubuhay na bagay.
Ayon sa mga tagapag-analisa, layon ng imbitasyon ng pamahalaang Hapones sa IAEA na hanapin ang pag-eendorso nito, at batay rito, isinagawa ng Hapon ang iba’t-ibang limitasyon sa pagtatasa ng IAEA.
Unang una, mahigpit na nilimitahan ng panig Hapones ang mandato ng mga gawain ng IAEA.
Pinahintulutan lamang nito ang pagtatasa sa plano sa pagtatapon ng nuclear sewage sa dagat, at inayawan ang pagtatasa sa ibang plano ng pangangasiwa.
Kaya, mula sa “paghanap ng pinakamagandang solusyon sa paghawak sa nuklear na kontaminadong tubig ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Station para sa buong sangkatauhan,” ang naging ng target ng pagsusuri ng IAEA ay “kung maisasagawa o hindi ang plano sa pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa dagat.”
Sa ilalim ng ganitong kondisyon, mahirap na tugunin ng ulat ng IAEA ang tunay na pagkabahala ng komunidad ng daigdig.
Bukod pa riyan, ang lahat ng sample at kaukulang datos na kinuha ng IAEA ay unilateral na ipinagkaloob ng panig Hapones.
Sinipi ng New York Times ang komento ng dalubhasa sa pagmomonitor sa nuclear radiation na si Azby Brown na “hanggang sa kasalukuyan, di-kumpleto ang mga datos na ipinagkaloob ng panig Hapones, at kapos sa transparency ang buong proseso.”
Kahit ano pa ang nilalaman ng ulat ng IAEA, hindi dapat pahintulutan ang tangka ng Hapon na tuluy-tuloy na itapon ang milyun-milyong toneladang nuklear na kontaminadong tubig sa Karagatang Pasipiko sa darating na 30 taon.
Ang pagtatapon ng nuclear sewage sa dagat, sa katuwiran ng ekonomikong gastos ay nangangahulugang paglalalagay ng panganib ng polusyong nuklear sa buong sangkatauhan.
Hindi pagtatakpan ng ulat ng IAEA ang plano ng Hapon sa pagtatapon ng nuclear sewage.
Dapat pakinggan ng pamahalaang Hapones ang mithiin ng mga mamamayan, igalang ang agham, ihinto ang plano sa pagtatapon ng nuclear sewage sa dagat, hawakan ang nuklear na kontaminadong tubig sa pamamagitan ng siyentipiko, ligtas at maliwanag na paraan, at tanggapin ang mahigpit na pagsusuperbisang pandaigdig.
Salin: Vera
Pulido: Rhio