Jakarta, Indonesya – Sa kanyang pakikipagtagpo kay Ministrong Panlabas Retno Marsudi ng Indonesya, Miyerkules, Hulyo 12, 2023, inihayag ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Central Commission for Foreign Affairs ng Tsina ang kahandaan ng kanyang bansa, kasama ng Indonesya, na pasulungin ang de-kalidad na kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI), at paramihin ang mga bagong tampok ng kooperasyon ng dalawang bansa sa mga larangang gaya ng berdeng pag-unlad, didyital na ekonomiya, seguridad ng pagkain, pagbabawas ng karalitaan at pagbibigay-tulong sa mahihirap.
Aniya, ang Jakarta-Bandung High-Speed Railway (HSR) ay isang pangunahing landmark project sa ilalim ng BRI, at isinasabalikat nito ang aspirasyon ng mga mamamayang Indones para sa mas maligayang pamumuhay.
Ito rin aniya ay matagumpay na halimbawa ng pagkakapit-bisig tungo sa modernisasyon ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Nananalig aniya siyang sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng kapuwa panig, tiyak na maisasaoperasyon ang nasabing daambakal, ayon sa nakatakdang iskedyul, at gagampanan ang kinakailangang papel para sa pag-unlad ng kabuhaya’t lipunan ng Indonesya.
Pinasalamatan naman ni Marsudi ang suporta ng Tsina sa pagtataguyod ng Indonesya sa mga multilateral na aktibidad at pagpapahalaga nito sa ASEAN.
Maiging gagampanan ng Indonesya ang papel bilang tagapangulong bansa ng ASEAN, upang mapalalim ang kooperasyon sa Tsina, dagdag niya.
Salin: Vera
Pulido: Rhio