Jakarta, Indonesia - Sa Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3) Huwebes, Hulyo 13, 2023, sinabi ni Wang Yi, Direktor ng Tanggapan ng Central Commission for Foreign Affairs ng Tsina na bilang mga pangunahing ekonomiya sa rehiyon, dapat palakasin ng mga bansa ng 10+3 ang pagkakaisa at pagtutulungan, at magkakasamang harapin ang mga hamon.
Aniya, ang kooperasyon ng 10+3 ay isa sa mga pinakamahusay na mekanismo ng kooperasyon ng Silangang Asya, at ginawa nito ang positibong ambag para sa kasaganaan at kaunlaran ng Silangang Asya nitong nakalipas na mahabang panahon.
Dapat puspusang pasulungin ng 10+3 ang pagpapanumbalik ng paglago ng kabuhayang panrehiyon, aktibong bigyang-tulong ang sustenableng pag-unlad ng rehiyon, at panumbalikin ang pagpapalitan ng mga tao sa rehiyon, dagdag ni Wang.
Diin niya, dapat gawing pangmalayuang target ng mga bansa sa rehiyon ang pagbuo ng komunidad ng Silangang Asya, suportahan ang katayuan ng ASEAN bilang sentro ng rehiyon, kumpletuhin ang inklusibong estruktura ng kooperasyong panrehiyon, walang humpay na palawakin ang mga larangan ng kooperasyon, at patingkarin ang mas malakas na “puwersa ng Silangang Asya” para sa pagbangon ng kabuhayan ng rehiyon, maging ng buong daigdig.
Kaugnay ng kooperasyon ng 10+3 sa susunod na yugto, iminungkahi ni Wang na igiit ang pagbubukas at pagtutulungan, at pabilisin ang proseso ng integrasyong panrehiyon; ipagtanggol ang komong seguridad, at walang humpay na pataasin ang kakayahan sa pagharap sa krisis; igiit ang inobasyon, at lubos na pasiglahin ang potensyal ng sustenableng pag-unlad.
Salin: Vera
Pulido: Ramil