Kinakailangang hakbangin sa pangangalaga sa cyber security, isasagawa ng Tsina

2023-07-27 16:02:03  CMG
Share with:

Ayon sa pahayag at sirkular na magkahiwalay na inilabas Miyerkules, Hulyo 26, 2023 ng Wuhan Municipal Emergency Management Bureau at Wuhan Municipal Public Security Bureau, nasalanta ng cyber-attack ang Wuhan Earthquake Monitoring Center.

 

Ang nasabing cyber-attack ay natuklasan sa pagmomonitor ng China Computer Virus Emergency Response Center (CVERC) at internet security company 360, at ayon sa inisyal na ebidensya, Amerika ang pinagmulan ng cyber-attack.

 

Kaugnay nito, sinabi nang araw ring iyon ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang aksyong ito ay malubhang mapanganib sa pambansang katiwasayan ng Tsina.

 

Kinokondena aniya ng panig Tsino ang kaukulang iresponsableng aksyon, at isasagawa ang kinakailangang hakbangin upang mapangalagaan ang cyber security ng bansa.

 

Saad ng tagapagsalitang Tsino, ang cyber security ay komong hamong kinakaharap ng iba’t ibang bansa.

 

Obdyektibo at propesyonal ang kaukulang pahayag ng panig Tsino na naglalahad ng pundamental na katotohanan, at mayroon itong esensyal na pagkakaiba sa paninirang-puri ng Amerika sa Tsina, ani Mao.

 

Dagdag niya, sa isang banda, isinasagawa ng pamahalaang Amerikano ang tikis na cyber activity sa iba’t ibang bansang kinabibilangan ng Tsina, sa kabilang banda naman, paulit-ulit nitong pinapalaki ang umano’y “hacking attacks” ng Tsina, at ang ganitong aksyon ay klasikal na double standards at manipulasyong pulitikal.

 

Diin ni Mao, ang pagsasapulitikal at paggawang sandata ng Amerika ng isyu ng cyber security ay malubhang humahadlang sa sigasig ng komunidad ng daigdig sa magkasamang pagharap sa mga hamon sa pamamagitan ng diyalogo at kooperasyon, at nakakapinsala rin sa pagtitiwalaan ng mga bansa.

 

Dapat agarang itigil aniya ng panig Amerikano ang kaukulang maling kilos, at ipagtanggol ang kapayapaan, seguridad at katatagan ng cyber space, sa pamamagitan ng konstruktibo’t pragmatikong pakikitungo.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil