Nairobi, kabisera ng Kenya – Sa ilalim ng temang “Pagpapalalim ng Komunikasyon ng mga Sibilisasyong Tsino’t Aprikano, Pagpapasulong ng Komunidad na may Pinagbabahaginang Kinabukasan ng Tsina at Aprika sa Makabagong Panahon,” idinaos, Agosto 14, 2023 ang “Our African Partners China Media Group (CMG) Media Cooperation Forum,” na nilahukan ng mga namamahalang tauhan at stakeholder ng mga media mula sa Tsina at 27 bansang Aprikano.
Hu Heping, Ministro ng Kultura at Turismo ng Tsina
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Hu Heping, Ministro ng Kultura at Turismo ng Tsina, ang pag-asang ilalatag ng mga media ng Tsina at Aprika ang tulay ng pagpapalitang tao-sa-tao, pagtitipun-tipunin ang komong palagay sa pagkakaibigan ng Tsina at Aprika, aktibong lilikhain ang atmospera ng pandaigdigang opinyong publiko na nakapokus sa kaunlaran at kooperasyon, at magkasamang pasusulungin ang sustenableng pag-unlad ng dalawang panig.
Shen Haixiong, Presidente ng CMG
Sa kanya namang video message, sinabi ni Shen Haixiong, Presidente ng CMG, na dapat palakasin ang kooperasyon ng mga media ng Tsina at Aprika, at pasulungin ang pagpapalitan at mutuwal na pagkatuto ng mga sibilisasyong Tsino’t Aprikano.
Grégoire Ndjaka, Chief Executive Officer (CEO) ng African Union of Broadcasting (AUB)
Sa kabilang dako, sinabi ni Grégoire Ndjaka, Chief Executive Officer (CEO) ng African Union of Broadcasting (AUB), na kasama ng CMG, mainam ang papel na gagampanan ng media upang mapalalim ang pag-uunawaan ng mga mamamayan ng magkabilang panig, at mapasulong ang pag-unlad ng lipunan.
Bukod dito, isang magkasanib na deklarasyon ang inilabas sa porum.
Ang “Our African Partners CMG Media Cooperation Forum” ay magkasamang itinaguyod ng CMG at AUB.
Salin: Vera
Pulido: Rhio