Bagong bunga ng bilateral na kooperasyon sa Syria, pasusulungin ng Tsina

2023-09-26 16:23:49  CMG
Share with:


Sa kanyang pakikipagtagpo, Setyembre 25, 2023 sa Beijing kay dumadalaw na Pangulong Bashar al-Assad ng Syria, ipinagdiinan ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang kahandaan ng bansa na ipatupad, kasama ng Syria, ang mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, pasulungin ang pagtatamo ng mga bagong bunga ng bilateral na kooperasyon, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang panig.

 

Tinukoy ni Li na patuloy at matatag na susuportahan ng Tsina ang pangangalaga ng Syria sa pagsasarili, soberanya at kabuuan ng teritoryo, at pagtahak sa landas ng pag-unlad na angkop sa aktuwal na kalagayan.

 

Tinututulan ng Tsina ang pakikisawsaw ng puwersang panlabas sa mga suliraning panloob ng Syria, dagdag ni Li.

 

Saad niya, winewelkam ng Tsina ang pagsali ng Syria sa kooperasyon ng Belt and Road, at patuloy na kakatigan ang rekonstruksyon at pagpapanumbalik ng pag-unlad ng Syria.

 

Kasama ng panig Syrian, nakahanda ang Tsina na palawakin ang bilateral na ugnayang pangkabuhaya’t pangkalakalan, angkatin ang mas maraming de-kalidad na produkto mula sa Syria, at palakasin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa kultura, turismo, kabataan, mga lokalidad at iba pang larangan.

 

Pinasalamatan naman ni Pangulong Bashar al-Assad ang ibinibigay na tulong ng Tsina para sa pagpapaunlad ng kabuhaya’t lipunan, pagpapahupa ng makataong krisis, at muling pagtayo ng mga mamamayang Syrian mula sa mga likas na kapahamakan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio